Bilang tugon sa mga humihingi ng kanyang reaksyon sa inilabas na show cause order (SCO) ng Commission on Elections (Comelec) kamakailan lang para kay Manila Mayor Honey Lacuna, sinabi ni City Administrator Bernie Ang na ang lahat ng programang itinutuloy ng pamahalaang-lokal ng Maynila ay pawang may kaukulang ‘exemption’ mula sa Comelec.
Ayon kay Ang, hindi naging gawi ni Lacuna ang lumabag sa batas at lagi nitong tinitiyak na lahat ng kanyang ginagawa ay naaayon sa itinatakda ng batas.
Binigyang-diin ni Ang na bilang alkalde ng Maynila, may mga programa ang kanyang administrasyon na pinasimulan pag-upo niya bilang mayor noong 2022, gaya na lamang ng pagbibigay ng mga pinansiyal na tulong at bigas sa iba’t-ibang sektor ng lungsod na nakapaloob sa special amelioration program (SAP) na ilang taon nang ipinatutupad sa Maynila.
Upang maituloy ang mga programang pinakikinabangan ng mga mamamayan ng Maynila, humingi ng ‘exemption’ ang pamahalaang-lungsod sa Comelec, na ang sabihin ay hiniling ng lungsod sa Comelec na payagan o huwag isama sa mga ipinagbabawal ang patuloy na pagbibigay ng mga nasabing benepisyo dahil kailangang-kailangan ito ng mga residente.
Alinsunod din umano ito sa memorandum ng Department of the Interior and Local Government kung saan nakasaad na ang mga local government units ay dapat na humingi ng pag-apruba ng Comelec para sa patuloy na pamamahagi ng iba’t-ibang uri ng tulong sa tao, kasama na ang ayuda.
Ayon kay Ang, ang hakbang ay ginawa ng Lacuna administration dahil ayaw na umano ni Lacuna na maulit ang nangyari noong 2022 kung saan napilitang ipahinto pansamantala ng lungsod ang pagbibigay ng buwanang pinansiyal na tulong sa mga senior citizens, PWDs, solo parents at university students matapos itong kuwestiyunin ng isa sa kanyang mga nakalaban noon sa pagka-alkalde. Vice Mayor si Lacuna noon at dahil abala na sa pangangampanya sa mga probinsiya si Isko Moreno ay siya ang tumayong mayor at nangasiwa sa lungsod.
Dahil nga kinukuwestiyon ng kalaban, sumulat umano si Ang sa Comelec para lang humingi ng permiso at paglilinaw kung maari na maituloy ng lungsod ang pamamahagi ng tulong sa mga seniors, solo parents, PWDs at mga estudyante ng PLM at UdM.
Ani Ang, hiniling nila na mabigyan ng ‘exemption’ ang pamahalaang-lungsod upang maipagpatuloy na maibigay sa mga senior citizens at iba pang sektor ang kanilang allowance na hinihintay ng mga ito, me eleksyon man o wala.
Sa sagot ni Atty. Gregorio Bonifacio, Election Officer IV ng Comelec, sinabi nito na maaring ituloy ang naturang pamimigay ng benepisyo basta’t hindi ito saklaw ng Resolution 10747, na siyang nagtatakda ng mga pagbabawal sa paggamit ng pondo kapag election period. Sa ilalim ng Resolution No. 10747 ng Comelec, kinakailangan ang certificate of exemption upang makapagpatupad ng mga aktibidad at mga programa na may kinalaman sa social welfare projects at services sa loob ng panahon ng kampanya.
Kasunod niyan ay hiningi din ni Office of Senior Citizens’ Affairs Elinor Jacinto ang ligal na opinyon ng City Legal Office at sinabi naman nito na maituturing na “routine and normal expenses” ang nasabing benepisyo na ilang taon nang ibinibigay at hindi na ito dapat saklaw ng mga ipinagbabawal ng Comelec.
Dahil umano sa pangyayaring ito noong 2022 kung kaya’t ngayon ay tiniyak ng administrasyong Lacuna na mag-apply muna ng ‘exemption’ bago itinuloy ang mga nasabing programang dati nang pinakikibangan ng mga taga-Maynila.
“Nangangahulugang ligal ito dahil hindi ito nangyari ngayong election period lamang. Matagal na itong ibinibigay at ito ay itinuturing na ‘routine and normal expenses.’ Ibig sabihin, ito ay nakagawian na at normal na gastusin ng lungsod at hindi ito kagaya ng pamimigay ng pera sa public teachers o pamimigay ng ‘goods’ na ngayon lang nagaganap sa panahon ng kampanya,” ani Ang.
Binigyang-diin ni Ang na walang anumang batas o regulasyon na nilalabag si Lacuna dahil may ‘exemption’ ang lungsod para sa patuloy na pagtulong sa mga mamamayang sakop nito gaya na rin ng pamimigay ng libreng serbisyo medikal at gamot, edukasyon, trabaho at tulong pinansiyal sa mga nasusunugan o biktima ng kalamidad.