Gagawing digitalized ang pamamahagi ng tulong Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makakasiguro ng kaligtasan ang mga tauhan ng ahensiya.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na inutusan siya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na i-digitalize ang pamimigay ng ayuda para na rin sa kaligtasan ng mga empleyado.
“May instruction sa atin ang Pangulong Marcos, Jr. na i-digitalize na ho pati itong mga pagbibigay ng ayuda para sa safety na rin po ng mga empleyado ng DSWD pati na rin po ng benepisyaryo na hindi maholdup, hindi mawala ‘yung binibigay na ayuda ng gobyerno,” ani Tulfo.
May kausap na aniya siyang grupo na gagawa sa digitalizatio para sa burial assistance, food at non-food assistance na ibinibigay ng ahensiya.
Magkakaroon na aniya ng QR codes ang mga bibigyan ng tulong ara makapag-avail sa pamamagitan ng digital transaction.
“As we speak ay may kausap na ho tayo na grupo para i-digitalize iyong tinatawag na Assistance for Individuals in Crisis Situation tulad po nitong mga medical, burial assistance, food and non-food. Ang gagawin ho natin ay QR codes na lamang. Ipapadala namin sa cellphone mo ‘yung QR codes, ngayon kung medyo low tech ‘yung cellphone mo, reference number – pupunta ka na lang sa tindahan, 7-11, Ministop or what have you… Lhuillier or Palawan and then bibigyan ka nila ng cash, ‘pag na-scan na ‘yung QR code mo or reference number, ” dagdag ni Tulfo.