By: JANTZEN ALVIN
Nakatakdang hingan ng paliwanag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang Ombudsman kung bakit ang kasong graft na isinampa laban sa dinismiss na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay isinampa sa Tarlac regional trial court (RTC) at hindi sa Sandiganbayan.
“We will ask for clarification on this matter. We will write to the Ombudsman on this matter kasi baka na oversight lang. Baka hindi nila natignan ng husto kung bakit na file ‘yan sa RTC,”ani Remulla.
Napag-alaman na ang kasong graft ni Guo ay isinampa sa Capas, Tarlac RTC Branch 109 na kalaunan ay nag- isyu naman ng arrest warrant laban kay Guo.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong isinampa ng Department of the Interior and Local Government laban kay Guo at iba pang lokal na opisyal sa Office of the Ombudsman, matapos na iugnay ito sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban.
“Parang nagkamali yata ‘yung prosecutors ng Ombudsman. Na i-file ‘yan sa Tarlac kasi salary grade 30 si Alice Guo and 26 and above, dapat sa Ombudsman na ‘yan at sa Sandiganbayan,” giit ni Remulla.
Napag-alaman na mayroon ring isinampa na ‘quo warranto petition’ sa Maynila samantalang naihain na rin ang petisyon na kanselahin ang birth certificate ni Guo sa Tarlac court.