DISMAYADO ang mga netizen sa pamunuan ng Makati sa naging pahayag ng punong lungsod nito na hindi pa pinal ang desisyon ng Supreme Court na nagdeklara nang nasa hurisdiksyong teritoryal ng Taguig ang Bonifacio Global City at ang Enlisted Men’s Barrios o EMBOs.
Ayon sa mga netizen, hindi dapat nagbibigay ng ganitong pahayag si Mayor Abby Binay lalo pa’t wala pa namang itinakdang sesyon ang Supreme Court upang muling buksan ang isyu gaya ng kaniyang ikinakalat.
Bago ang pahayag ni Binay, kumalat na rin sa social media groups ng mga residente ng Makati na nakipagpulong ang mayora sa Pangulong Bongbong Marcos at Chief Justice Alexander Gesmundo sa layuning mabuksan muli ang isyu sa alitan sa lupa sa pagitan ng dalawang lungsod.
Sumang-ayon ang mga netizen na itinuturing na “final” na ang desisyon noong Abril ng Mataas na Hukuman na pumabor sa Taguig.
“So they are above the law? Need pang kumapit sa Presidente as if makikialam sa ruling ng SC? Respect!” ayon sa isang netizen.
“Pag nareverse yang desisyon na yan, Banana Republic na tayo,” ayon pa ng isa.
“Tanggapin nalang kasi. Final decision galing sa Supreme Court na yan e,” sabi ng isa pa.
Sa desisyon, kinatigan ng SC ang naging desisyon ng Pasig City Regional Trial Court noong 2011 na nagdeklarang nasa Taguig ang 729-hektaryang BGC at ang mga EMBO.
Sinabi pa ng Mataas na Hukuman sa kanilang press release sa kanilang website na ang kanilang desisyon ay “nagbigay ng pagtatapos (has put an end)” sa away sa lupa ng Taguig at Makati.