TAHASANG sinalungat ng Philippine National Police ang naging pahayag ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumaas ang crime rates sa Pilipinas sa panahon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
“Crimes are down and clearance rates are up. Base sa kanilang estadistika, nakapagtala sila ng 61.87-percent decrease sa index crimes na naitala mula July 2022 hanggang July 2024 kumpara sa parehong panahon noong 2016 at 2018. Our latest data indicates a substantial decline in crime rates, underscoring the effectiveness of our ongoing strategies and proactive measures,” ayon sa inilabas na pahayag ng PNP, isang araw matapos na humarap si dating President Rodrigo Duterte sa isinasagawang pagdinig ng senado hinggil sa war on drugs na tumaas umano ang krimen sa ilalim ng Marcos, Jr. administration.
Tumaas umano ang krimen sa bansa nang matigil na ang kanyang Davao style anti-narcotics operations.
Ibinase ng PNP ang kanilang tugon sa pahayag ni Duterte sa kanilang statistics kung saan nakapagtala sila ng 83,059 index crimes mula July 1, 2022 hanggang July 28, 2024 kumpara sa 217,830 reported incidents sa kapareho ding panahon ng 2016 to 2018.
Mas mababa umano ito ng 11,641 murder cases, mas konti ng 2,420 homicides cases at 2,719 rape incidents at bumaba rin ng physical injuries cases ng 34,966.
Maging ang Department of Justice ay sinuportahan ang naging tugon ng PNP kay FPRRD.
“Ang pahayag ni Duterte ay in stark contrast to the comprehensive data provided by the Philippine National Police,” ani DOJ Secretary Crispin Remulla
“In addition to the reduction in crime volume, the PNP has made significant strides in operational efficiency, evidenced by a 27.13-percent increase in the Crime Clearance Efficiency rate and a 10.28-percent rise in the Crime Solution Efficiency rate,” ayon pa rito.
Samantala, kaugnay naman sa crime prevention and reporting ay sinusuportahan ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang mga inisyatiba ng PNP National Capital Region Police Office na digital reporting at positibong maipatupad ang mga pagbabagong ito sa lahat ng police units sa buong bansa.
Nais umano ni National Capital Region Police Office acting Director PMGen Sidney Hernia na gawing digitalized ang pag-uulat ng krimen sa kalakhang-Maynila.
Ayon kay Hernia, ito ay sa pamamagitan ng E-Gov Super App na tatawaging “Anti-Crime Super App” na layong mapabilis ang pagresponde ng pulisya at mapaigting ang seguridad ng publiko.
Maliban dito, target din umano ni Gen. Hernia na ipatupad ang paperless o fully digitalized reporting system sa lahat ng police units.