Buo ang suporta ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na italaga si dating DILG Secretary Eduardo M. Año bilang bagong National Security Adviser (NSA).
“Noong ako ay Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), naging saksi ako sa sipag at galing ni Año dahil kasama ko siya sa pakikipagdayalogo sa Metro Manila mayors sa paglutas sa mga suliraning kinakaharap ng mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR),” ani DILG Secretary Benhur Abalos.
“Magkatuwang din kami sa pagbuo ng mga estratehiya at paraan kung paano matitiyak ang kaligtasan ng Metro Manila residents sa ilalim ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) noong kasagsagan ng pandemya na nagresulta ng tuloy-tuloy na pagbaba ng kaso sa NCR at matagumpay na pag roll out ng vaccination program sa metropolis. Ang bunga ng maayos na kooperasyon ng nasyonal at lokal na gobyerno ay nakikita, nadarama at napapakinabangan ng sambayanan ngayong nakakabangon na ang nasyunal at lokal na ekonomiya.
Naniniwala kami na buong husay na magagampanan ni Año ang kanyang bagong tungkulin bilang NSA at tagapayo ng Pangulo sa mga isyu ng seguridad ng bansa dahil na rin sa malawak na karanasan niya sa Armed Forces of the Philippines, sa Department of National Defense at pati na rin sa DILG.
Sa loob ng halos limang taong panunungkulan niya sa Kagawaran ay talaga namang napabuti niya ang estado ng mga pamahalaang lokal, lalo na tungkol sa pangkalahatang seguridad, kapayapaan at kaunlaran.
Maaasahan ng ating bagong National Security Council (NSC) Chief ang suporta at kooperasyon ng DILG at ng Philippine National Police kasama na ang mga LGU sa mga programa at polisiyang ipapatupad niya para sa pangkalahatang seguridad at kapayapaan ng bansa.” (VICTOR BALDEMOR RUIZ)