Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa mga bilangguan sa bansa na tutukan ang kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) dahil sa nararanasang matinding init sa bansa.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, chairman ng commision, hindi maganda ang kalagayan ng mga PDLs dahil sa matinding init ng panahon dulot ng El Niño phenomenon.
Umapela ang Obispo sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) na tugunan ang sitwasyon ng mga PDLs na maaring magkasakit dahil sa nararanasang init sa loob ng mga piitan sa bansa.
Sinabi pa ng Obispo na kinukunsidera nilang sumulat sa BJMP na pinangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at BuCor na nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ), upang tutukan ang kalagayan ngayon ng mga PDLs sa mga piitan sa bansa.
Bukod sa pagkakaloob ng mga karagdagang bentilador at pagsasaayos ng bentilasyon sa mga bilangguan, ipinagdarasal ni Bishop Florencio ang pagpapalaya sa mga karapat-dapat na PDLs na natapos na ang sentensya upang mabawasan ang siksikan sa mga kulungan.
Anang Obispo, naniniwala siya na ang pagpapalaya sa mga karapat-dapat na PDLs ay isang pangmatagalang solusyon sa pagsiksikan ng mga bilanggo sa iba’t-ibang piitan sa bansa.
Napag-alaman na batay sa audit report ng Commission on Audit (COA) noong 2022, aabot sa 323 o 67-porsyento mula sa 478 na mga detention facilities sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ‘heavily congested.














