By: Tony Gildo
Patuloy na nangunguna ang Department of Energy (DOE) sa pagsusulong ng energy efficiency na pinapanatili ang ISO 50001:2018 certification nito para sa Energy Management Systems (EnMS).
Ayon sa DOE, nakamit ang 27 porsiyentong pagbabawas sa konsumo ng kuryente at 35 porsiyentong pagbabawas sa paggamit ng gasolina, sa pamamagitan ng sistematikong pamamahala sa enerhiya at mga hakbang sa pagtitipid.
Target umano ng Government Energy Management Program na hindi bababa sa 10 porsiyento ang maging pagbawas sa kuryente ng gobyerno at pagkonsumo ng gasolina.
Unang nakamit ng DOE ang sertipikasyon nitong ISO 50001:2018 sa buong departamento noong 2023, na naging unang ahensya ng gobyerno sa bansa na nakakuha ng sertipikasyon sa buong departamento.
Kaugnay nito, patuloy na pinalalakas ng DOE ang mga kasanayan sa pamamahala ng enerhiya at mga hakbang kabilang ang pagsukat, Building Energy Management System at ang unti-unting paglipat ng fleet ng electric vehicles at pagtitipid ng enerhiya sa buong pamahalaan.














