Simula sa Pebrero 14, 2024 ay magiging epektibo na ang pagtataas sa coverage rates ng karamihan sa mga benefit packages ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay PhilHealth spokesperson Rey Baleña, inilabas ng PhilHealth ang Circular No. 2024-001 na nagsasaad ng case rates o benefit packages na sasailalim sa increase o adjustment.
Sa ilalim ng naturang circular, nabatid na in-adopt ng PhilHealth ang inflation adjustment factor na 30% para sa existing case rates upang isaalang-alang ang mga pagbabago sa presyo sa nakalipas na dekada.
“‘Yan ang layunin ng ating adjustment sa benefit packages, ang mapababa o mabura na ang balanseng binabayaran sa pagpapaospital,” pahayag pa ni Baleña, sa panayam sa radyo.
Nilinaw naman ni Baleña na hindi lahat ng case rate packages ay magtataas dahil ang iba ay nakapag-adjust na sa nakalipas na limang taon.
Sinabi ni Baleña na hindi sakop ng bagong increase sa benefit rates ang dialysis, na kinober na ng PhilHealth buong taon; high-risk pneumonia at stroke, na nagkaroon na rin ng higit pa sa 30% adjustment.
Dagdag pa ni Baleña, tinitingnan rin ng PhilHealth na i-rationalize ang case rates para sa anim pang kondisyon.
Matatandaang Nobyembre 2023 nang ianunsiyo ng PhilHealth na ang rates ng kanilang benefits packages ay itataas ng hanggang 30% upang mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga Pinoy na nag-a-avail ng mga health care services gamit ang PhilHealth.
Ngayong taon naman ay itinaas ng PhilHealth ang premium o kontribusyon ng mga miyembro nito sa 5% mula sa dating 4%.














