Kapuri-puri ang naging desisyon ni Senator Joel Villanueva na pagsanib sa mayorya, para matapos na ang bangayan sa liderato at muli nang makapagtrabaho ang mga Senador.
Tinupad niya ang pangako sa publiko na sa pagkakataon na magkaroon ng special session na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay tutuparin niya ang aniya ay ‘sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang Batas.’
Hindi naging madali ang desisyon na ito dahil sa nakaambang pambabatikos, lalo na ng mga kaalyado ng ngayon ay minority Senators at lalo na, sa galit ng kanyang mga dating kasamahan sa minorya.
Pero, gaya ng inihayag niya sa Jesus Is Lord Worldwide gathering, ang serbisyo publiko ay dapat na manatiling prayoridad ng mga halal na opisyal ng bayan.
Aniya pa, ang Senado ay dapat na magpatuloy nang magtrabaho para sa kapakinabangan ng higit na nakararaming Pilipino.
“Hindi po pwedeng puro away na lang. Bilang mga lingkod bayan, prayoridad po natin dapat siguraduhin na patuloy nagtatrabaho ang bawat isa sa atin, lalo na ang Senado. Para po sa ating mga kababayan,” pagbibigay-diin pa niya.
Dahil sa paglipat ni Villanueva sa majority, nakapaghalal na ng bagong Senate President sa katauhan ni Senator Sherwin Gatchalian, gayundin ng lahat ng opisyal sa Senado.
Nakapagtalaga na din ng mga Chairman ng mga komite at natalakay na lahat ng mga trabahong nabinbin dahil nga sa bangayan sa Senado.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Villanueva dahil agad siyang naghain ng resolusyon na nananawagan sa lahat ng ahensiya ng gobyerno para sa madaliang pagtulong sa mga naging biktima ng malakas na lindo sa Mindanao kelan lamang.
Kaugnay niyan, naglabas pa ng isang manifestation si Senate Blue Ribbon Chair Senator Erwin Tulfo para suportahan ang nasabing Senate Resolution No. 447 ni Villanueva bilang co-sponsor nito at aniya, sa pamamagitan ng pagpasa nasabing resolution ay ipinakikita ng Senado ang ‘commitment’ nito sa pagpapakilos ng relief efforts, pagbibigay ng emergency assistance at pagbabalik ng essential services at pagsuporta sa long-term recovery at rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng lindol.
“Ginoong Pangulo at mga kasamahan, ito po yung sinasabi ko noon pa at paulit-ulit ko na sinasabi. Isantabi po natin ang ating mga personal or group interests, alang-alang po sa mas nakakarami sa atin. We commend Senator Joel Villanueva for coming in today to file this resolution for the victims of the Mindanao quake. Thank you Senator Joel Villanueva for this resolution. For this reason, I will heartily support and call sponsor Senate Resolution No. 447 and urge its immediate adoption,” pahayag pa ni Sen. Tulfo.
“Hindi po sapat ang bayanihan lamang. Heroism saves lives, but resources rebuild communities. Compassion comforts victims, but funding restores livelihoods,” saad ni Villanueva sa kanyang inihaing resolusyon.
Tila atat na atat na nga talagang bumalik sa trabaho si Sen. Villanueva dahil nang araw ng special session, makikitang napaka-abala niya at talagang nakiisa siya nang lubos sa mayorya na sulitin ang araw na iyon para matapos ang napakaraming bagay na natengga ng ilang linggo dahil lang sa awayan sa liderato.
Sa ginawa ni Villanueva, higit niyang inalala ang taumbayan kesa sarili.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














