NAOBSERBAHAN ng Department of Health(DOH),ang pagtaas ng kaso ng dengue sa ilang lalawigan sa apat na rehiyon sa bansa.
Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario S. Vergeire,kabilang na dito ang Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas at Davao Region.
Gayunman,sinabi ni Vergeire na ang mga naitatalang kaso ngayong 2022 ay mas mababa kumpara sa naitala noong 2021.
“Sa ngayon kapag tinignan natin ang breakdown among different regions, doon natin nakikita ang pagtaas. Aside from Zamboanga or Region IX, mayroon din tayong nakikitang pagtaas sa mga kaso ng dengue sa Regions II, VI at XI,” ayon kay Vergeire.
Gayunman,mayroon namang mga lalawigan na hindi mataas ang kaso sa halip ay mas bumaba pa ang kaso ng dengue.
Nabatid na noong nakalipas na linggo ay nagdeklara ng dengue outbreak sa Zamboanga City mayapos na malampasan ang threshold sa apat na magkakaaunod na linggo.
Nalaman na nakapagtala ang City Health Office (CHO) ng 893 kaso ,kung saan 11 ang nasawi mula Enero 1 hanggang Abril 2.
Sinabi ni Vergeire na ang posibleng sanhi ng dengue ay ang malimit na pag-ulan at maaring may mga lugar na pinamugaran ng lamok na may dalang dengue virus.
Masusi nang nakikipag ugnayan ang DOH sa mga local government para tumulong sa pagpigil sa outbreak ng dengue.(Philip Reyes)