SIYAM na lungsod sa bansa ang nakitaan ng nakakabahalang pagtaas ng bilang ng dengue cases.
Sa inilabas na dengue update ng Department of Health (DOH), sinabi nito na kasama sa naturang mga lugar ang Quezon City, na una nang nagdeklara ng dengue outbreak.
Inaasahan naman ng DOH na magdedeklara na rin ng dengue outbreak ang walo pang lugar na hindi tinukoy ng DOH ang mga pangalan, ngunit sinabing matatagpuan sa tatlong rehiyon sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR), Region 3 at Region 4A.
“The DOH sees a concerning rise in the number of Dengue cases in nine (9) local government units (already including Quezon City), spread out across three regions (IV-A, III, NCR),” anang DOH, sa isang pahayag.
Kaugnay nito, tiniyak rin ng DOH na ang DOH Centers for Health Development (regional offices), sa pamamagitan ng kani-kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESU) ay nag-aabiso na sa kanilang mga ESU counterparts sa LGU level.
Paalala naman ng DOH, na alinsunod sa batas, ang deklarasyon ng isang local dengue outbreak ay maaari lamang isagawa ng isang opisyal ng LGU.
Matatandaang una nang nagdeklara si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng dengue outbreak sa kanilang lungsod, matapos na makapagtala ng mahigit sa 1,700 kaso ng dengue sa unang dalawang buwan pa lamang ng 2025.
Nabatid na 10 sa mga pasyente, kabilang ang walong menor de edad, ang sinawimpalad na binawian ng buhay dahil sa karamdaman.
Una na rin namang iniulat ng DOH na nakapagtala sila ng upward trend ng dengue cases sa bansa, na umabot sa 28,234 kaso noong Pebrero 1.
Ito ay 40% pagtaas kumpara sa naitalang kaso sa kaparehong petsa ng nakaraang taon.
Samantala, mahigpit naman ang paalala ng DOH sa publiko na huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor kung nakakaranas ng sintomas ng dengue, na karaniwan umanong lumalabas mula apat hanggang 10-araw matapos na makagat ng dengue-carrying mosquitoes.#