Mabilis na kumakalat ngayon ang isang video kung saan mismong si Justice Secretary Crispin ‘Boying’ Remulla na ang nagbunyag ng sindikato sa koleksyon ng ‘tong’ sa Maynila, ng mga batang-sarado ni ex-Mayor Isko Moreno.
Base sa pagsisiyasat ng mga nakausap kong eksperto ay hindi peke ang nasabing video. Ito ay tunay.
Doon, inihayag ni SOJ Remulla ang ganito: “maraming binibigay si Honey kay Isko… lahat ng pabor ibinigay, pero nilabanan pa din siya…. mga sindikato sa Manila sa koleksiyon ng mga ‘tong,’ talagang hinawakan pa rin ng mga bata ni Isko. Dumarating sa atin ‘yan, di ba? Pinabayaan niya (Isko) na magtuloy-tuloy ‘yung ligaya.. walang nawala , gusto mas marami pa, hindi nakuntento pa rin… pinabayaan niya (Isko) na tuloy-tuloy ang ligaya, gusto niya mas marami pa.”
Sa ginawang pagbubulgar na ito ni SOJ Remilla mismo, lumabas na din ang katotohanan na ngayon lamang talaga naging malinaw para sa aming lahat sa Maynila.
Nang ipakiusap ni Isko kay Mayor Honey Lacuna ang mga sinasabi niyang pinaka-‘heneral’ niya na kinuha sa City Hall nung siya ang mayor, halos walang nailagay si Mayor Honey na sarili niyang tao dahil nga pinagbigyan niya ang pakiusap ni Isko na itinuring niyang kapatid at kakampi at binigyan ng buong pagtitiwala.
Lingid sa kaalaman naming lahat, lalo na ni Mayor Honey, ay sinasabotahe na pala ng mga ‘bata’ ni Isko ang administrasyon ni Mayora. Gamit ang puwestong hawak nila, pinalpak nila ang kanilang trabaho at itinuon ang lahat ng atensiyon sa paggawa ng pera sa iligal na pamamaraan.
Dati na nilang ginagawa ang bagay na ito, pero dinoble nila ang kawalanghiyaan nung si Mayor Honey na ang nakaupo. Sa ganyang paraan nila ibinalik ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanila ni Mayora, na hindi sila tinanggal ganung pupuwede namang pinalitan niya sila ng mga taong personal niyang pinagkakatiwalaang gagawin nang tapat at maayos ang kanilang trabaho.
Salamat sa pagbubunyag ni SOJ Remulla at pagbatikos dahil napatunayang muli ang pananabotahe kay Mayor Honey ng mga naiwang alipores at miyembro ng sindikato ni Isko, lalo na pagdating sa mga illegal parking, illegal vendors at nagkalat na basura.
Kaya naman tuloy-tuloy ang ‘patawag’ ni Isko at pamumudmod ng pera sa mga tao. At hindi basta pera dahil daang milyon na po ang inuubos nito, sa kaliwa’t-kanang pamimigay ng pera, sa kabila ng laging sinasabi na mas malakas daw siyang kandidato kaysa nakaupong mayor. Maaring isipin na ang perang ginagamit niya ay mula sa koleksyon ng sindikatong sinasabi ni SOJ Remulla. Hindi ito malayo sa katotohanan.
Nito lamang, isang kaibigang senior citizen na opisyal ng barangay ang nakatanggap ng imbitasyon mula sa kampo ni Isko. Ibinulong sa kanya na magbibigay daw ng Pamaskong tig-P30k para sa mga barangay chairman at tig-P15k naman kada barangay tanod.
Sa bilang na 896 barangay chairman at tig-11 na tanod sa bawat barangay, aabutin ng halos P175 milyon ang kabuuang gagastusin sa nasabing patawag. Saan galing ang pera?
Dapat ay tignan o bantayang maige ng Commission on Elections (COMELEC) ang bagay na ito dahil maliwanag na ‘overspending’ ito at may kinalaman sa darating na eleksyon. Mula nang matalo si Isko sa presidential election nung 2022, hindi niya man lang nilingon ang mga iniwan niyang taga-Maynila o dumukot sa sariling bulsa para sila ay Pamaskuhan man lang. Ngayon lang ito namimigay ng pera, matapos mag-deklarang siya ay tatakbong mayor, kaya klaro na bahagi ito ng kampanya niya at ang pagbuhos niya ng pera ay pasok bilang ‘overspending.’
Condolence nga pala dun sa senior citizen na namatay sa patawag ni Isko kelan lamang. Kung bakit naman kasi pinag-intay daw ng ubod tagal ang mga senior tapos pinaakyat pa ng bleachers, tapos pinagbawalan pa sila na magpa-proxy o magdala ng alalay. Sa halagang P1,000 pinahirapan talaga ang seniors.
Tigilan na sana ang pagtrato sa mga seniors na parang timawa.