TATLONG katao ang inulat na nasugatan sa naganap na dalawang magkahiwalay na pagsabog sa Isabela City, Basilan.
Unang naalarma ang mga residente sa unang pagsabog bandang alas-5:45 kamakalawa ng hapon sa isang branch ng Jollibee sa Barangay Isabela City Proper at sinundan ng ikalawang pagsabog bandang alas 6:16 ng gabi sa loob ng D’ Biel Bus Terminal .
Subalit agad na nilinaw ni Maj. Andrew Linao, spokesman, ng AFP Western Mindanao Command na matapos ang post blast investigation na ginawang ng kanilang Philippine Army Explosive and Ordnance Division sa Jollibee Brgy Isabela Proper, Isabela City, sanhi ito ng faulty wiring at wala namang nasaktan.
Habang ang pagsabog naman sa Bus Terminal ng D’ Biel Bus Terminal na nasa Valderosa Street, Brgy La Piedad, Isabela City, Basilan kasalukuyang tinutukoy ang uri ng pampasabog na ginamit na ikinasugat ng isang Evangelyn Gudilla Francisco- Storekeeper sa loob ng bus terminal na itinakbo sa Basilan General Hospital matapos na mahagip ng debris mula sa bumagsak na kisame.
Ayon sa Isabela City Risk Reduction and Management Office, isang babaeng vendor at dalawang security guard na nagpapatrol sa bus terminal ang nasugatan dahil sa pagsabog.
Ayon kay Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr. commander, AFP Western Mindanao Command , yung dalawang security guard ay bahagya lamang na galusan , at hindi dahil sa mga lumipad na shrapnel mula sa sumabog na IED.
Pahayag pa ni Lt. Gen Rosario, maaring kagagawan ng nalalabing Abu Sayyaf Group na nagpapa pansin lamang para ipakitang may puwersa pa sila o extortionist group ang naganap na pagsabog sa terminal.
Bunsod ng nasabing mga pagsabog sa Mindanao ay naka-heightened alert ngayon ang PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) .
Ayon kay NCRPO Regional Director Maj. Gen. Felipe Natividad, ipinag-utos na niya ang karagdagang police visibility sa buong Kamaynilaan kasunod na rin ng pagpapasabog sa bus at isang bus terminal noong nakaraang linggo sa South Cotabato at Sultan Kudarat.
Una nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na posibleng extortion o pangingikil ang motibo ng mga suspek na target ang kompanya ng bus.
Kasunod nito, sinabi ni Danao na hindi dapat ma-alarma at sa halip ay maging alerto at mapagmatyag sa mga taong kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar at agad i-report sa NCRPO Text Hotline Numbers: 0999-901-8181. (VICTOR BALDEMOR)