PAGREPASO NG BATAS SA PWD PARA MAGING TUNAY NA ‘BARRIER-FREE’, ISINUSULONG NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang pagrepaso ng mga batas para sa mga Persons with Disabilities (PWD) sa pamamagitan ng isang resolusyon na sisiyasat sa mga batas para sa nasabing sektor.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 186, inaatasan ang kaukulang komite na magsagawa ng oversight sa pagpapatupad ng Batas Pambansa Blg. 344 o ang “Accessibility Law” at Republic Act 7277 o “Magna Carta for Persons with Disabilities”.


“Ano pa ang saysay ng mga batas na ito na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga PWD kung ang mga pasilidad sa transportasyon at mga gusali ay kulang pa rin? Ang ating mga PWD ay madalas na napipilitang umasa sa iba o isapanganib ang kanilang kaligtasan para lamang makagalaw,” ani Tulfo.

Dagdag pa niya: “Dapat ay wala nang ibinibigay na building permit o aprubadong proyekto ng gobyerno para sa mga structural designs na kulang sa mga mandatory accessibility feature!”

Binigyang-diin din ng Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development ang talamak na kawalan ng maayos na pasilidad sa mga pampublikong imprastraktura.


“Nakikita natin sa balita at social media—mga footbridge na masyadong matarik kaya hindi ito magamit nang ligtas ng mga PWD. Kahit sa pampublikong transportasyon, karamihan sa mga disenyo ay hindi isinasaalang-alang ang pangangailangan ng PWD community,” pagdidinn pa ni Tulfo.

Tanong pa niya: “Paano natin aasahan na maabot ng ating mga PWD ang kanilang buong potensyal kung ang mismong sistema natin ay kontra sa kanila?”




Bilang kilalang kakampi ng PWD community, isinusulong din ni Senador Erwin ang ‘lifetime validity’ ng PWD ID para sa mga may permanenteng kapansanan. Layunin ng hakbang na ito na alisin ang pasanin ng pag-renew ng ID tuwing limang taon, na madalas ay nagdudulot ng dagdag na gastos at pagod para sa mga benepisyaryo.

Bukod dito, hinimok din niya na huwag haluan ng politika ang pagpaparehistro ng mga PWD at nanawagan para sa isang mas epektibo at sentralisadong imbakan ng mga talaan upang matiyak na ang tulong ay makakarating sa mga tamang benepisyaryo nang walang anumang pamumulitika.#


Tags: Senador Erwin Tulfo

You May Also Like