Sina Mayor Honey Lacuna at Congressman Rolan 'CRV' Valeriano habang hawak ang kanilang mga plake na ibinigay ng MPD bilang pasasalamat at pagkilala sa kanilang suporta sa pulisya. Katabi ni Valeriano si Col. Rederico Roy na siyang nagprisinta ng mga plake.

PAGPAPASINAYA AT TURNOVER NG BAGONG PCP SA TONDO, PINANGUNAHAN NI MAYOR HONEY AT CONGRESSMAN ‘CRV’ VALERIANO

By: Jerry S. Tan

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna at Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district) ang pagpapasinaya at turnover ng bagong tatlong-palapag na police community precinct (PCP) sa Jose Abad Santos sa Tondo.

Sa kanyang maikling mensahe ay pinasalamatan at pinapurihan ni Lacuna si Valeriano sa walang sawa nitong pagbubuhos ng panahon, pagsisikap at budget ng kanyang sariling tanggapan upang makapaglagay ng mga makabuluhang proyekto sa kanyang distrito na pakikinabangan hindi lamang ng mga taga-distrito dos kundi maging ng kanyang administrasyon.


Partikular na pinasalamatan at pinuri ni Lacuna si Valeriano dahil sa pagpapagawa nito ng anim na bagong PCP, dalawang health centers, dalawang sports complex (Patricia at Padre Algue) at 95 barangay halls, bukod pa sa ngayon ay ginagawa nang bagong annex ng Universidad de Manila (UdM) sa unang distrito ng Tondo.

Ani Lacuna, patunay ang mga ito na walang imposible kapag nagtulungan ang national at local governments at sa pamamagitan umano ni Valeriano ay wala nang halos dapat na gawin ang pamahalaang-lokal sa dami ng itinutulong nito.

“Napakasuwerte ko dahil mayroon akong katuwang na Congressman na kagaya ni CRV. Lahat ng di kayang gawin ng lungsod, siya na ang umako. Lalo na dito sa distrito dos. Inubos na yata niya lahat ng gawain ng distrito, wala na siyang iniwan sa amin… alam kong nasa mabuting kamay ang mga taga-distrito dos,” pahayag ni Lacuna.


Sina Lacuna at Valeriano ay sinamahan nina Councilor Roma Robles at David Chua sa pagpapasinaya ng bagong PCP, kung saan nanawagan sila sa mga gagamit ng nasabing PCP na gamitin ito nang maayos at gamitin bilang inspirasyon upang higit pang pagbutihin ang kanilang trabaho na panatiliin ang kaligtasan at kapayapaan sa kanilang lugar na nasasakupan sa lahat ng oras.

Matapos iabot ang ‘symbolic key’ sa MPD na kinatawan ni Col. Rederico Roy, tinanggap naman nina Lacuna at Valeriano ang mga plake bilang pagkilala at pasasalamat sa kanila namang suporta sa pulisya


Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read

Latest News