Pagpapaluwag sa border restrictions, tatalakayin ng IATF

Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na pagrerekomenda sa pagpapaluwag ng border restrictions sa mga dayuhang biyahero na gustong pumunta sa Pilipinas.

Sinabi ito ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang press conference nang tanungin kung kelan ang tamang panahon para alisin ang entry requirements sa.mga dayuhang biyahero dahil may mga bansa nang nagtanggal ng restrictions sa harap ng banta ng COVID-19 pandemic.


Ayon kay Vergeire, nanatili ang DOH na sumusunod sa Executive Order (EO) 168 na lumikha sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Nakasaad sa EO na ang trabaho ng IATF ay mapigilan ang pagpasok ng mga pinaghihinalaan o kumpirmadong pasyente na may emerging infectious diseases (EID) sa bansa sa pamamagitan ng screening at identification ng EID suspects at ang institutionalization ng surveillance, alert, at.quarantine system.sa lahat ng ports of entry.

“Based on the directives of the President na sabi niya mas makapagbukas pa tayo further ng mga sectors at mas maluwagan natin ang ating mga restrictions sa borders, pag-uusapan ito lahat sa IATF because we need to be able to rescind kung saka-sakali, o amyendahan itong EO 168 for us to relax these restrictions,” dagdag ni Vergeire.


Ayon pa kay Vergeire magku-convene ang IATF sa mga susunod na.linggo at pag uusapan ng Technical Working Group kung dapat nang alisin ang border restriction. (Jaymel Manuel)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like