Nais ng Department of Health (DOH) na mapalawak pa ang implementasyon ng COVID-19 second booster dose.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lumiham na sila sa Food and Drug Administration (FDA) at hiniling na pag-aralan na mapabilang na sa mabibigyan ng second booster dose yaong mga nasa edad 50-taong gulang pataas at mga may comorbidities.
Matatandaang sa ngayon ay mga health workers, senior citizen at immunocompromised persons pa lamang ang pinapayagang makapagpaturok ng second booster shot laban sa COVID-19.
“Sumulat na po tayo sa FDA para magkaroon ng panibagong pag-aaral para ma-include ang 50 to 59 years old at ‘yung mga may comorbodities,” ani Vergeire, sa panayam sa radyo nitong Lunes.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Vergeire na karamihan o 60% ng mga pasyente ng COVID-19 na nadadala sa pagamutan ay hindi bakunado, partially vaccinated lamang o wala pang booster dose.
Pagtiyak pa ni Vergeire, nakatakda nang magbukas ng COVID-19 vaccination ang pamahalaan sa mas marami pang paaralan, workplaces, mga lugar dalanginan at maging sa mga palengke.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay nasa mahigit sa 71 milyong indibidwal o 78.95% na ng kanilang target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 15.3 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Aabot naman sa 6.7 milyong senior citizens o 77.72% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
Nasa mahigit 895,000 health workers, elderly, at immunocompromised persons naman na ang nakatanggap ng second booster shot. (Jantzen Tan)














