SA isang bilateral meeting na dinaluhan nina Ukraine Parliament First Deputy Chairman Oleksandr Korniyenko, MP Lesia Vasylenko at MP Oleksandr Sanchenko kasabay ng ika-151 Inter-Parliamentary Union Assembly sa Geneva, Switzerland, ay nakipagpulong si Senador Erwin Tulfo nitong Linggo sa mga mambabatas ng Ukraine upang talakayin ang pagpapalakas ng kooperasyon sa depensa, kalakala at agrikultura sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa nasabing pagpupulong, binigyang-diin ni Tulfo ang suporta ng Pilipinas para sa Ukraine kaugnay ng nagpapatuloy nilang digmaan laban sa Russia at binanggit din niya na ang Pilipinas, tulad ng Ukraine ay nakararanas din ng mga suliraning teritoryal sa South China Sea.
“You are not alone. We do understand your plight. We do understand your situation at this very point,” ani Tulfo, vice chairman ng Senate foreign relations committee, sa mga miyembro ng Verkhovna Rada— ang unicameral parliament ng Ukraine.
“The Philippine government is sharing the same opinion and idea to support you for what you’re fighting for. We are against foreign aggression in our nation just like you,” dagdag pa niya.
Ipinahayag din ni Tulfo ang kaniyang pag-asa na matapos na ang giyera sa pamamagitan ng matagumpay na negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine sa lalong madaling panahon.
Binanggit niya ang epekto ng digmaan sa pandaigdigang ekonomiya, lalo na sa presyo ng gasolina at iba pang produktong agrikultural tulad ng trigo.
Bilang tugon, nagpasalamat ang mga Ukrainian MP kay Tulfo sa paghahatid ng suporta ng pamahalaang Pilipinas para sa kanilang bansa. Kaugnay nito, inimbita nila ang mga mambabatas ng Pilipinas na bumisita sa Kyiv.
Sa pulong, iminungkahi rin ni Vasylenko ang posibilidad na magtalaga ng isang espesyal na trade envoy mula sa Pilipinas patungong Ukraine upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Binigyang-diin niya na ang mas pinalakas na ugnayang pangkalakalan ay magiging kapaki-pakinabang sa parehong estado dahil makakatulong ito sa Pilipinas na maka-access sa merkado ng European Union, at sa kabilang banda ay makatutulong ito sa Ukraine sa muling pagbangon ng kanilang ekonomiya.
Sinabi ni Tulfo, bilang pinuno ng delegasyong Pilipino sa IPU, sa mga mambabatas ng Ukraine na ang mga isyung tinalakay sa bilateral na pulong ay makakarating kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.














