HINIHIKAYAT ng healthcare ministry ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pamahalaan na higit pang paigtingin ang pagsusulong sa mga programang may kaugnayan sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Healthcare executive secretary Camillian Father Rodolfo Vicente Cancino, dapat na tutukan ng gobyerno, partikular ng Department of Health (DOH), ang mga suliraning panlipunan na nakakaapekto sa kalusugan ng mga pamayanan lalo na sa hanay ng mahihirap.
Ginawa ni Fr. Cancino ang panawagan kaugnay ng paggunita sa International AIDS Candlelight Memorial (IACM) upang alalahanin ang mga pumanaw dahil sa HIV/AIDS.
Ibinahagi rin ng pari ang patuloy na diskriminasyon na nagiging hadlang para sa mga may HIV/AIDS na magpatingin at malunasan ang karamdaman.
Sinabi nito na sa halip na pangilagan, ang mga may pinagdaraanang karamdaman ang higit na nangangailangan ng karamay at pagkalinga upang muling madama ang pag-asa at pagtanggap ng lipunan.
Taon-taon ay ipinagdiriwang ang IACM tuwing Mayo partikular na sa ikatlong linggo ng buwan upang alalahanin ang mga pumanaw dahil sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) \, sa pamamagitan ng pagtitirik ng mga kandila at pag-aalay ng panalangin.
Ang tema ng IACM ngayong taon ay, “Together We Remember, Together We Heal, Through Love and Solidarity”.
Ayon sa huling datos ng DOH, umabot na sa 3,410 ang naitalang kaso ng HIV/AIDS sa unang bahagi pa lamang ng 2024, kung saan 82 rito ang naiulat na nasawi.
Samantala, inaasahan naman na sa 2030 ay posibleng tumaas pa sa halos 402,000 mula sa higit 215,000 ngayong taon ang bilang ng mga Pilipinong may HIV.














