Latest News

PAGPAPABUWAG AT KOMPRONTASYON SA MMDA NI REP. CHUA, UMANI NG SUPORTA

Umani ng matinding suporta ang panukala ni Manila third district Congressman Joel Chua na buwagin na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) lalo na ang ginawa nitong pagsugod at komprontasyon para ipagtanggol ang mga mamamayang taga-Maynila sa walang habas na clearing operation sa mga lugar na di na sakop ng ‘Mabuhay Lanes.’

Kasama ni Rep. Chua si second district Rep. Rolan Valeriano na sumugod sa Natividad at Fugoso Streets, nang mapadaan sila sa lugar at mapunang tila may komosyon. Nakapanloob nga lang ang mga ito dahil patungo sana sila sa isang event na barong ang kailangang isuot.

Nagsumbong umano ang mga residente na pati Grab driver na naghahanapbuhay hinatakan ng sasakyan at pati scaffolding na ginagamit sa lugar ay kinuha din ng mga MMDA enforcers.


Kinumpronta at binusisi ni Rep. Chua ang hurisdiksyon ng MMDA dahil ang kalye na kung saan nagsasagawa ng kanilang operasyon ang MMDA nang mga oras na iyon ay hindi na Mabuhay lanes na siyang dapat lang na sakop ng operasyon ng MMDA.

Bastusan na daw ang ginagawa ng MMDA dahil ultimo mga iskinita ay pinapasok nila at hindi na umano koordinasyon ang ginagawa ng MMDA kundi ipinapa-alam na lang sa Maynila ang ginawa nila, sa pamamagitan ng pagpapadala ng litrato ng kanilang naging operasyon kapag tapos na ito at hindi bago magsimula ang operasyon.

Ayon naman kay Rep. Valeriano, pati mga nagpapa-car wash ay nagsumbong na hinihila din ng MMDA ang sasakyan.

“Parang carnapping na ‘yung ginagawa nila,” sabi pa ni Rep. Valeriano, na chairman ng House committee on Metro Manila Development.


Tama naman si Rep. Chua. Kung anuman ang ginagawa ng MMDA ay ‘duplication’ na lamang ng functions ng mga local government units. Sayang nga naman ang P10 bilyong budget para sa MMDA na pupuwedeng gamitin sa social services na mas kailangan ng bansa at mga Pilipinong naghihirap pa din dulot ng pandemya.

***

Nagpapasalamat ang pitak na ito sa mababait at masisipag na tauhan ng MPD-Station 9 at Barangay 755 sa Maynila, sa pagtulong nila sa isang motoristang nasagi ng rumaragasang trak sa Zobel Roxas Street sa Maynila.

Mabilis na rumesponde ang mga pulis mula sa Manila Police District-Station 9 na pinamumunuan ni Col. Salvador Tangdol, bagay na siyang atas at ginagawa din mismo ni MPD chief PBGen. Andre Dizon.


Salamat kina Cpl. Antonio Agustin, Cpl. Mark Louie Saupan at Sgt. Luis Macalagay na naging matiyaga sa paghihintay na maresolba ang problema sa pagitan ng magkabilang partido.

Sinamahan pa nila ang mga nasabing partido sa pinakamalapit na barangay hall upang gawing pormal ang kasunduan.

Pagdating doon, naging mabilis din ang pag-asikaso ni Ms. Larizza Padrones, Barangay Secretary ng Barangay 755, Zone 82, District 5 na siyang naglagay ng kasunduan sa blotter at siyang umalalay sa mga partido nang nakangiti kahit pa madaling araw na noon.

Kudos sa mga pulis ng MPD-Station 9 at sa Barangay 755 na pinamumunuan ni Chairman Alvin Angeles para sa pagiging mga ulirang serbisyo-publiko. Sana lahat ng nasa gobyerno ay gaya nila.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read