Latest News

PAGLUTAS SA KASO NI DEGAMO AT PAGPARUSA SA SUSPECTS, MAGING MABILIS SANA

Sana ay mabilis at patas na gumulong ang hustisya sa bansa para sa malagim na pagkakapaslang kay Governor Roel Degamo at walong iba pa. Ang siyam na nasawi sa nangyaring pamamaril sa mismong tahanan ni Negros Oriental Governor Roel Degamo sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental, ay kinabibilangan ng mga inosenteng indibidwal

Si Degamo ay naging gobernador ng Negros Oriental mula January 5, 2011 subalit natalo sa nakaraang May 2022 elections. Nagsampa ito ng pagkwestyon sa Korte Suprema na nagdesisyon pabor sa kanya nang ipawalang-bisa ang proklamasyon ng kanyang karibal na idineklarang nuisance candidate.

Walang pakundangan at bahid ng konsensiya o pagdadalawang-isip ang mga suspek nang magpaulan sila ng bala sa nasabing lugar. Maliwanag na ang target ay si Degamo. Bagamat mali pa rin, sana ay hindi na sila nagdamay pa ng mga walang muwang na sibilyan.


Bukod sa malaking sampal sa gobyerno, ilang pamilya ang naulila sa pangyayaring ito kaya’t dapat lamang na magkaroon ng agarang hustisya at nang di pamarisan ng iba ang kawalang-galang sa batas at katahimikan ng mga suspek sa kasong ito.

Nakakalungkot ang naglilitawang balita na isinasangkot ang isang Congressman na gaya ni Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo Teves Jr., gayundin ang ilang dating sundalo diumano bilang nasa likod ng naturang krimen. Mga sundalo na sinabay ng pamahalaan para magbigay-proteksyon sa mga ordinaryo at walang kalaban-labang mga sibilyan.

Nagtatrabaho ang kawawang Governor Degamo gayung araw ng Sabado. At ayon sa mga nabasa ko, hindi ito basta trabaho dahil nakikipagpulong at namimigay siya ng ayuda sa mga nangangailangan nang mga oras na iyon, kaya marami ang nadamay.

Bukod sa mga napaslang nang pagbabarilin ay may 13 pa ang naiulat na malubhang nasugatan sa insidente habang apat ang outpatient na. Ayon nga sa ilang ulat, ay naroon para lamang tumanggap ng tulong o ayuda mula kay Degamo.


Ano ang ibig sabihin nito? Na ang mga biktima ay mahihirap lamang, dahil kung mayayaman sila, bakit pa sila magtitiyagang pumila para sa ayuda? Sana nga ay makumbinsi si Teves na umuwi at harapin ang mga ibinibintang sa kanya at patunayan na siya ay walang kinalaman sa pagpaslang kay Degamo. Marami ang kasalukiyang nakatutok sa bawat hakbang ng pamahalaang Marcos dahil dito malalaman ang determinasyon ng Pangulo na parusahan ang sinumang sumisira sa peace and order sa bansa.

Simple lang naman ‘yan. Maaring kanselahin ng gobyerno ang kanyang pasaporte at kung magkagayon, magiging banyaga siya na walang kaukulang dokumento at batay diyan ay maari siyang dakpin ng gobyerno kung saan siya naroon, bago siya ibalik sa Pilipinas kung saan siya nagmula.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.


 

 

 

Tags: ,

You May Also Like

Most Read