PAGLIPAT NG KUSTODIYA NG MGA HINATULANG PILIPINO SA UK PATUNGONG PINAS, ITINUTULAK NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

NAGHAIN si Senador Erwin Tulfo ang isang resolusyon na humihiling ng pagsang-ayon ng Senado sa kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland hinggil sa paglipat ng kustodiya ng mga hinatulang Pilipino sa UK.

Isinalang ni Tulfo ang Senate Resolution No. 315 sa plenaryo ng Senado limang araw matapos itong talakayin ng Senate Committee on Foreign Relations na kasalukuyan niyang pinamumunuan.


“Ang karapatang pantao at ang dignidad ng bawat isa ay nananatili, nasa loob man sila o labas ng rehas. Sa ilalim ng ating Saligang Batas, hindi natatapos ang pagkalinga ng gobyerno sa isang Pilipino dahil lamang siya ay nakagawa ng pagkakamali sa ibang bansa,” ani Tulfo.

Ipinaliwanag din nito na ang kasunduan ay hindi nangangahulugan ng paglaya ng mga preso, kundi isang kasunduan para sa paglilipat lamang ng lugar kung saan tatapusin ang sentensiya ng isang Pilipinong nahatulan ng korte sa UK.

“Ang sentro ng kasunduang ito ay restorative justice. Kapag ang isang Pilipino ay nabilanggo sa isang banyagang bansa tulad ng United Kingdom, hindi lamang pagkawala ng kalayaan ang kanyang kinahaharap. Bukod sa rehas, mayroon ding pader ng wika at distansya mula sa pamilya. Dobleng pasakit,” ayon pa sa tagapangulo ng Senate Committee on Foreign Relations.


Kapag naging epektibo ang kasunduan, maaaring ilipat sa Pilipinas ang mga Pilipinong nahatulan sa UK basta may pahintulot ng parehong pamahalaan ng Britanya at Pilipinas, gayundin ang pagsang-ayon ng mismong bilanggo.

Ang sentensiyang ipinataw ng korte ng UK ay ipagpapatuloy sa Pilipinas bilang paggalang sa hudikatura ng UK. Ang Department of Justice (DOJ) ang mangangasiwa sa maayos at ligtas na paglilipat ng kustodiya ng mga preso.




“Naniniwala tayo na ang layunin ng pagkabilanggo ay pagbabago, hindi pagpapahirap. Ipakita natin sa ating mga kababayan sa United Kingdom na hindi sila nakakalimutan ng kanilang Inang Bayan. Tayo ay magtulungan para sa kabutihan ng ating bayan,” ayon pa kay Sen. Tulfo.


Tags: Senador Erwin Tulfo

You May Also Like