Suportado ni Senador Erwin Tulfo ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ilipat na lang ang P36-B flood control funds sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para pakinabangan ng ga naghihirap at walang kabuhayan na mga mamamayan.
Ayon kay Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social justice, Welfare and Rural Development, “Instead nga naman na mapunta lang sa bulsa ng mga DPWH officials, contractors at politiko, mas mainam na mapunta na lang sa mga mahihirap ang pondong ito.”
“Kasi kapag sa DSWD ang pondo, diretso sa mga tao at hindi na nahahawakan ng mga politiko o opisyal o kontraktor ang pera,” dagdag pa ni Tulfo na nagsilbi rin dati bilang DSWD Secretary.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Marcos na ilaan ng DSWD ang pondo sa Assistance for Individual in Crisis situation o AICS at sa Sustainable Livelihood Program (SLP). Ang AICS ay isang programa ng DSWD para sa mahihirap at pangangailangan nilang emergency tulad ng pambili ng gamot, pambayad sa ospital, palibing, pamasahe at iba pa.
Ang SLP naman ay pangkabuhayan na P15,000 na binibigay ng DSWD sa isang komunidad para may pagkakakitaan ang mga tao doon. Isinusulong ni Tulfo na maging batas na ang programang ito sa pamamagitan ng Senate Bill No. 766.
“I believe kung maraming mga walang hanapbuhay na mabibigyan ng SLP ng DSWD , malaking maitutulong o ambag sa ekonomiya natin thru this small business enterprises,” saad pa ni Sen. Tulfo.
Dagdag pa nito: “I think money well-spent ‘yan kung maraming mabibigyan ng livelihood ang DSWD.”














