PAGLIPAT KAY TEVES SA CITY JAIL, INIATAS NG KORTE

By: Baby Cuevas

Iniutos ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 na ilipat ng detensiyon si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Ayon sa limang-pahinang order ng korte, ibinasura nito ang mosyong inihain ng kampo ni Teves na humihiling na manatili siya sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa loob ng compound ng New Bilibid Prison (NBP).
Naglabas rin ang hukuman ng commitment order para sa agarang paglilipat kay Teves ng bilangguan.


Ginamit pang depensa ng kampo ni Teves ang Certificate of Handover na nilagdaan ng Timor-Leste at ng pamahalaan ng Pilipinas, bago pinahintulutan ang kanyang deportasyon pabalik sa bansa.

Gayunman, ibinasura lamang ito ng mababang hukuman at sinabing, “This Court finds no merit in the motion of the accused to maintain his custody with the NBI detention facility.”

Sinabi pa ng Hukom na hindi nakasaad sa sertipiko kung anong partikular na ahensya ang dapat na mag-kustodiya kay Teves bilang prerequisite para sa paglilipat sa kanya.


Gayundin,hindi binigyang bigat ng Korte ang pahayag ng kampo ng dating mambabatas na nagsabing maaari siyang dumanas ng ‘torture, inhuman, o degrading treatment.’

Bukod pa umano sa lumilitaw na pumipili lamang si Teves ng kanyang detention facility para sa kanyang sariling ‘convenience.’


Ang Manila RTC Branch 51 ang humahawak sa mga kasong murder, frustrated murder at attempted murder na kinakaharap ni Teves dahil sa umano’y pagpapapatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 10 iba pa noong 2023.


Tags: Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

You May Also Like

Most Read