By: Tony Gildo
Kinumpirma ni BuCor director general Gregorio PIO Catapang, Jr. na nanatiling nakakulong si Retired General Jovito Palparan sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ginawa ni Catapang ang pahayag kasunod ng manifestation na inihain ng private complainant na sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño. Ang reklamo na isinumite sa Korte Suprema ay nagpahayag ng mga ‘concerns’ na umano’y nagmumungkahi na si Palparan ay ililipat ng kulungan sa ibang lugar mula sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City.
Mariing pinabulaanan ni Catapang ang mga pahayag na ito at pinaninindigan na si Palparan ay patuloy na nagsisilbi ng kanyang sentensiya sa loob ng New Bilibid Prison.
Binigyang-diin ni Catapang na ang anumang paglilipat ng mga preso, lalo na ang mga high-profile inmate tulad ni Palparan, ay sumusunod sa mahigpit na protocol at tamang dokumentasyon.
Tiniyak ni Catapang sa publiko at sa concerned parties na pinananatili ng Bureau of Corrections ang transparency at accountability sa pamamahala sa kustodiya ng lahat ng mga bilanggo sa NBP.














