Hindi na magiging magastos at mas magiging mabilis ang paglilitis ng mga korte dahil sa videoconferencing.
Ito ang inihayag ni Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo, kasunod ng panawagan sa Philippine Bar Association (PBA) na suportahan ang mga reporma na ginagawa ng SC sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027 (SPJI).
Napag-alaman na ang SPJI ang nagsisilbing ‘blueprint’ sa mga plano at programa ng Court En Banc.
Sa kanyang pagsasalita bilang guest of honor sa ika 130th foundation at Law Day Celebration ng PBA, niyayakap na ng SC ang makabagong teknolohiya.
“I know the focus now of the PBA is not just to remain resilient amidst emerging challenges, but to stay relevant these innovations across the entire Judiciary. In particular, I hope the PBA can lend its resources, expertise, and networks to raise awareness about the reforms we are pursuing,” ani Gesmundo.
Umaasa si Gesmundo na gagamitin ng PBA ang social media at iba pang technological tools para tumulong sa pagpapakalat ng SPJI sa kanyang miyembro kasunod ng ginawa nilang paglulunsad ng PBA website.
“This will all be very helpful in informing not just our colleagues in this profession, but our people as well….I hope that the Court can also count on you to push for both the adoption of these reforms in the Judiciary, and the adaptation of your peers in the profession to innovations and technological advances,” dagdag ni Gesmundo.
Mula noong 2021, isinusulong na si Gesmundo ang pagbabago at pagtangkilik sa teknolohiya ng hudikatura para sa mas mabilis at epektibong paglilitis sa mga kaso.
Sa kasagsagan ng pandemya inumpisahan ng SC ang paggamit ng videoconferencing sa mga pagdinig sa mga korte nang maglabas ng ‘Guidelines on the Conduct of Videoconferencing’. Sa pamamagitan nito, nagsagawa ng mga virtual hearings at pagsusumite ng ‘electronic testimony’.
Kasalukuyang binabalangkas ng SC Committee on Virtual Hearings and Electronic Testimony ang panuntunan ukol sa pagsasagawa ng pagdinig ng korte sa pamamagitan ng videoconferencing kahit na magtapos na ang pandemya.
Napag-alaman na noong Hunyo 28, 2022, inaprubahan ng Supreme Court ang A.M. No 22-04-26-SC kung saan nakasaad ang SPJI at ang mga nilalaman nito sa mga pagbabagong teknolohiya sa korte kabilang ang pagtatatag ng makabagong “information and communication technology infrastructure” sa hudikatura ng bansa. (Jaymel Manuel)














