Latest News

PAGLILINIS SA PNP, DI MAGTATAPOS SA COURTESY RESIGNATION NG MGA COLONEL AT GENERAL

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police na hindi magtatapos sa paghahain ng courtesy resignation ng mga full- fledged police colonel at general ang gagawing paglilinis sa hanay ng pambansang kapulisan.

Una nang inihayag ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr, na aabot sa 956 police officers ang apektado ng hinihiling na courtesy resignation ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na siya ring National Police Commission chairman.

Pinangunahan kahapon ni PNP Chief Azurin ang pagsusumite ng courtesy resignation kasabay ang kanyang command group na kinabibilangan nina PLt. Gen Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Administration at PLt. Gen Benjamin Santos, Deputy Chief for Operations.


Mariing inihayag ni Gen. Azurin na suportado niya ang nasabing hakbang ni Sec. Abalos na layuning linisin ang hanay ng PNP sa mga sangkot sa iligal na droga partikular na ang mga 3rd level officials.

Subalit magugunitang kamakalawa ay ibinulgar ni Abalos na base sa kanilang pagsisiyasat ay may mga heneral at colonel ang protector o sangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa Pilipinas.

Sinabi pa ni Gen Azurin, isa itong moral challenge para maibalik ang moral ascendency ng PNP.

Ayon kay Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Police Brig. General Ronald Lee, bilang isang officer and a gentleman ay tinatanggap niya ang hamon ng Interior Secretary na maghain ng courtesy resignation .


Patunay umano ito na malinis ang kaniyang konsensya at hindi siya natatakot sa hamong magbitiw sa pwesto dahil nasisiguro raw niya na hindi siya sangkot sa illegal na droga.

Tatalima rin aniya ang mga opisyal ng CIDG sa panawagan ni Gen. Azurin na suportahan ang hakbang ni Abalos para linisin ang hanay ng PNP mula sa mga sangkot sa iligal na droga.

Sinabi pa ni Lee na ang reputasyon ng isang pulis ang salamin ng kanyang pagkatao kung kaya’t walang dapat ikatakot ang mga 3rd-level officials’ ng CIDG na may magandang track record.

Maging si PNP-NCRPO Director Estomo ay nagpahayag ng kahandaang tumalima sa panawagan ng DILG na magsumite ng courtesy resignation kabilang ang kanyang mga tauhan.


Inihayag ni Maj.Gen. Estomo na handa siyang pumirma at magsumite ng courtesy resignation kasama ang kanyang may 70 opisyal na kusang loob na pumayag sa nasabing hakbang ng kagawaran ng walang pilitan.

Iginiit nito na alam niya sa sarili niya na hindi siya sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Kaugnay nito ay inihayag ni PNP- Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan na hindi magtatapos ang hakbang na ito sa paglilinis ng buong hanay ng kapulisan sa pagsusumite ng courtesy resignation ng lahat ng full-fledged colonel at generals ng Pambansang Pulisya.

Pagkatapos kasi aniya ng mga ito ay sunod namang hihingan ang mga 2nd level officers ng PNP mula sa lieutenant colonel pababa hanggang non-commissioned officers.

Aniya, bagama’t may katanungan ang ilang opisyal ng pulisya hinggil sa nasabing hakbang na ito para sa mas maigting na internal cleansing sa kanilang buong hanay ay nagpahayag pa rin naman ang mga ito ng suporta. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags:

You May Also Like

Most Read