Pagkukumpuni sa mga kalsadang sinira ng lindol, patapos na

DALAWANG kalsada na lang ang tinatapos na kumpunihin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang sirain ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra nitong nakaraang linggo.

Sinabi ni Public Works Secretary Manuel Bonoan na ang Tagudin-Cervantes Road sa Region 1 at Halsema Highway sa CAR ay mula sa 21 national at secondary roads sa CAR at Region 1 na kabuuang naapektuhan ng lindol.


Sa pagtataya ng DPWH nitong Hulyo 29, nasa P396.58 milyon na ang tantiyang halaga ng pinsala sa mga kalsada at imprastruktura na idinulot ng lindol.

Samantala, isasara naman ng DPWH ang Kennon Road sa trapiko para sa kaligtasan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at banta ng landslide.

Patuloy naman na nakikipag-koordinasyon ang DPWH sa National Historical Commission of the Philippines sa rehabilitasyon ng mga importanteng ‘historical sites’ na napinsala rin.


Kabilang dito ang ilang antigong bahay sa Calle Crisologo sa Vigan, Bantay at Laoag bell towers, Sarrat Church, Vigan Cathedral, at ang Sarrat heritage municipal hall. (Anthony Quindoy)


Tags: Department of Public Works and Highways (DPWH)

You May Also Like