Latest News

PAGKANSELA SA LISENSYA NG MGA BARIL NI QUIBOLOY, PINAG-AARALAN

By: Victor Baldemor Ruiz

PINAG-AARALAN ngayon ng Philippine National Police kung kinakailanganG kanselahin na ang mga kaukulang dokumento ng mga baril na pag-aari diumano ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ na kasalukuyang itinuturing na ‘pugante’ ng mga awtoridad .

Ito ay matapos na kumpirmahin ng PNP na totoong mayroong pagmamay-ari na mga armas si Quiboloy na target ngayon ng manhunt operation matapos na maglabas ng warrant of arrest ang Davao Regional Trial Court Branch 12 laban sa kanya kaugnay sa mga kasong sexual at child abuse na kanyang kinakaharap.

Nailuat na may 19 na mataas na uri ng baril sa kanyang arsenal ang embattled evangelist na nagkakahalaga ng P2.3 million, base sa dokumento ng PNP Firearms and Explosives Office.


Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, mayroong 19 na baril ang pagmamay-ari ni Quiboloy kabilang na ang isang mataas na kalibre na napaso na nitong buwan ng Marso ang mga dokumento, habang ang iba naman ay mayroong valid at existing pa na lisensya.

Aniya, kasalukuyan nang pinag-aaralan ngayon ng PNP Firearms and Explosives Office kung maaari pang ipasuspinde ang mga lisensya ng baril ng pastor nang dahil sa kanyang mga kasong kinakaharap sa ngayon.

Hanggang kahapon ay hindi pa rin kinokonsidera ng PNP na ‘armed and dangerous’ si Pastor Quiboloy sa kabila ng pag-iingat o pagmamay-ari nito ng mga baril, dahil wala naman aniya siyang naging record noon na naging marahas at mayroong private army.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad sa church leader para isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Davao RTC.


Kasabay nito ay muli namang nanawagan ang opisyal kay Quiboloy na harapin ang kaniyang kaso, dahil dapat aniyang respetuhin nito ang judicial authority ng korte at sumuko na lang.

Tags: Pastor Apollo Quiboloy

You May Also Like

Most Read