PAGKALAT NG WILD DISEASE, IBINABALA NG DOH

By: Philip Reyes

Nagbabala ang Department of Health (DOH) – Ilocos Region nitong Biyernes sa mga residente laban sa posibleng pagkalat ng W.I.L.D. diseases (Water-borne diseases, Influenza, Leptospirosis, and Dengue) bunsod nang naganap na malawakang pagbaha sa rehiyon dulot ng habagat.

“Sa mga residenteng lubog sa baha, iwasan po nating magbabad o maglaro sa tubig-baha dahil maari itong kontaminado ng iba’t-ibang bacterial, viral, and parasitic organisms na makakapagdulot ng mga sakit gaya ng leptospirosis, influenza, diarrhea at iba pa,” ayon kay Regional Director Paula Paz Sydiongco.


“Magsuot naman ng bota kung kailangang lumusong sa baha at kapote o paying naman upang hindi mabasa ng ulan. At huwag kalilimutang maghugas ng kamay at paa o maligo pag-uwi upang masigurong malinis ang inyong katawan,” aniya.

Dagdag pa niya, “Sa mga residenteng nakararanas ng lagnat, pananakit ng kalamnan, may pangingig, pananakit ng ulo at katawan, nagtatae, pamamantal, paninilaw ng balat at pamumula ng mata, magpakunsulta agad sa duktor upang maagapan at mabigyan ng lunas ang inyong karamdaman.”

Nabatid rib na handa nang ipamahagi ng regional office ang anti-W.I.L.D. diseases equipment at iba pang medical supplies kabilang na ang insecticides, larvicides, insecticide-treated screens, dengue NS1 (nonstructural protein 1) rapid diagnostic tests, antigen at antibody tests, oral rehydration salt, paracetamol, at prophylactic antibiotics sa lahat ng provincial DOH at provincial government health offices.


Ang lahat ng public health facilities ay isinailalim rin umano sa Code White status upang mabilis makatugon sa mga emergencies at makapagkaloob ng tulong at guidance sa health emergency response situations.

Pinayuhan rin ni Sydiongco ang publiko na humingi muna ng medical consultation bago uminom ng prophylaxis laban sa leptospirosis upang mabigyan ng tamang dose.


“Also, for those who are staying in evacuation centers to constantly wash their hands with soap and clean water to prevent the spread of diseases,” dagdag pa niya.

Samantala, nabatid na nakapagtala na ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng kabuuang 29 leptospirosis cases mula Enero 1, 2024 hanggang Hunyo 29, 2024.


Tags: Department of Health (DOH) – Ilocos Region

You May Also Like