PAGKAANTALA NG VOTERS’ LIST, DI MAKAKAANTALA SA HALALAN

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na hindi makakaapekto sa halalang isasagawa sa Mayo 9 ang delay o pagkaantala sa paglalabas ng voters’ list, mula Pebrero 8 hanggang sa Marso 29, 2022.

Sa Laging Handa public briefing, ipinaliwanag ni Comelec Director Elaiza David na ang pagkaantala nang paglalabas ng listahan ng mga botante ay bunsod nang isinasagawang paglilinis sa mga double o multiple registrations, gayundin ng mga namatay na botante.

“Hindi naman po,” tugon pa ni David nang matanong kung ang naturang delay ay maaaring magdulot ng problema sa halalan.


“Dumadaan din ‘yun sa proseso ng paglilinis, especially ‘yung ating mga double or multiple registration. So inaalis lahat ‘yun pati na rin yung mga namayapa na voters,” dagdag pa niya. “So kailangang lang linisin ‘yun kaya kinakailangan na ma-delay din ‘yung paglabas ng voters list.”

Nabatid na hanggang noong Disyembre 20, may mahigit nang 65.7 milyong registered voters para sa halalan.


Sinabi naman ni David na karamihan sa mga ito ay kabilang sa 39 – 59-age group.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read