Ibang klase rin naman ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagbubungkal ng kalye sa kahabaan ng San Andres sa Malate, Maynila.
Wala silang pakialam sa mga residenteng maaapektuhan na dapat sana ay hindi napeperwisyo nang wala sa lugar.
Naireport sa inyong lingkod ng mga apektadong residente ang ginawang walang habas na pagbubungkal sa harapan ng Modesto Street, kung saan ni walang babala o notice sa mga residente na di na pala pupuwedeng tumagos ang mga sasakyang napasok sa kalsada mula Quirino Avenue.
Nabulaga ang marami na walang choice kundi umatras para makalabas ng kalsada, dahil ni hindi naglagay ng sign sa mismong pasukan na wala palang lalabasan ang mga motorista.
Higit na nagpahayag ng pag-aalala ang mga residente doon na sakitin o ilang beses nang nangailangan ng ambulansiya, dahil kung emergency ay paano nga namang papasok at lalabas ang ambulansiya?
Ang siste pa, nung me magreklamo ay patuya pa daw sinabi ng isang manggagawa na ‘limang buwan’ na hindi madaraanan ang nasabing area.
Mano man lang sana kung nakikita daw nilang 24/7 na may gumagawa, kaso hindi ganun.
Ang barangay chairman naman na nakasasakop sa nasabing lugar, ni hindi nag-effort na maglagay ng sign sa pasukan para balaan ang mga motorista na hindi sila makalalabas o makakatagos dahil nga binungkal na ang harapan.
Ewan kung totoo, pero may mga nagsabi na nung sinabi nila sa barangay chairman na sana ay kausapin ang mga contractor na maglagay o maglaan naman ng espasyo na maaring magsilbing daanan ng mga papalabas na sasakyan, ang sagot daw nito ay ‘hindi ko na trabaho ‘yan.’ Ganun?!?
Ultimo paglalagay ng sign sa kanto ng Quirino Avenue para balaan ang sinumang motoristang papasok na walang labasan doon, hindi rin nagawa ng nasabing barangay chairman.
Habang isinusulat ito ay napag-alamang kay City Engineer Armand Andres na mismo nagsumbong ang mga naperwisyong residente at agad naman daw itong umaksyon.
Sinabi daw nito na mali ang ginawa ng mga nagbubungkal dahil dapat ay naglalagay daw sila ng ‘steel plate’ na maaring magsilbing daanan ng mga sasakyan kapag may inaayos na kalsada nang sa gayon, walang napeperwisyong motorista na nangangailangang gumamit ng kalsada.
Walang konsiderasyon ang mga contractor na ito puro bulsa lamang ang inaatupag. Alam kaya ito ni DPWH Secretary Manuel Bonoan?
Bungkal dito, bungkal doon tapos makikita mong mas mahaba ang oras na nakatiwangwang ang proyekto kesa me gumagawa. Tama ba ‘yan?
Sana naman ay ilagay nila ang kanilang mga sarili sa sitwasyon ng mga taong pineperwisyo nila.
Higit sa lahat, isaisip sana nila na ang mga taong pineperwisyo nila ang nagbabayad ng sahod nila sa pamamagitan ng mga buwis na binabayaran ng mga ito sa pamahalaan.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














