NAGPAALAM na rin si Commission on Elections (Comelec) acting spokesman John Rex Laudiangco sa kanyang tungkulin bilang tagapagsalita makaraang ma-bypass ng Commission on Appointments (CA) sina Chairman Saidaman Pangarungan at dalawa pang komisyuner.
Ipinaliwanag ni Laudiangco na si Pangarungan ang nagtalaga sa kaniya bilang tagapagsalita ng komisyon at direkta naman siyang nag-uulat kay Commissioner George Garcia na hindi rin na-appoint kasama si Commissioner Aimee Torrefranca-Neri.
“I was designated po kasi by Chair Pangarungan and I report directly to Comm Garcia. And since both of them po are no longer in office, it follows po that my role is functus officio na po,” saad ni Laudiangco.
Nitong Miyerkules, tuluyang na-bypass ang appointment nina Pangarungan, Garcia at Neri ng CA dahil sa kawalan ng quorum.
“Today, my ad interim appointment as Chairman of the Commission on Elections ends. Due to a lack of quorum, the appointments of President Rodrigo Duterte to the independent Constitutional Commission have all been bypassed,” mensahe ni Pangarungan nitong Miyerkules ng hapon.
Sa kabila nito, sinabi niya na tinatanggap niya ang desisyon ng mga miyembro ng CA na nais ipaubaya sa papasok na administrasyong Marcos ang pagtatalaga ng mga opisyal ng Comelec.
“It is with a heavy heart that I accept such outcome but I would like to restate my utmost respect to the actions of the CA,” dagdag pa ni Pangarungan.
Ipinagmalaki ni Pangarungan ang matagumpay nilang pamamahala sa nakalipas na May 9, 2022 National and Local Elections kung saan nagwagi ng landslide si President-elect Ferdinand Marcos Jr. Ito umano ang kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa nang makapagtala ng 83.07% na voters turnout at isa sa pinakamapayapa. (Carl Angelo)














