Nilinaw ng Philippine National Police na hindi balakid sa kanilang hanay ang pagiging Philippine National police Academy alumni ni dating Bureau of Correction chief Gerald Bantag para dakpin ito.
Ayon sa pamunuan ng PNP wala itong kaugnayan at bukod pa na hindi rin naging miyembro ng PNP si Bantag .
Ito ang binigyang-diin ng Pambansang Pulisya kasunod ng sinabi ni Department of Justice Spokesperson Mico Clavano na isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapan ngayon ang mga otoridad na tugisin si Bantag ay dahil sa koneksyon nito ngayon sa pulisya
Binigyang linaw ni PNP-PIO chief PBGEN Redrico Maranan na batay sa kanilang records ay nanilbihan bilang officer si Bantag sa Bureau of Jail Management and Penology bago siya maitalaga sa Bureau of Corrections.
Bagama’t graduate sa Philippine National Police Academy si Bantag, mas pinili nito na manilbihan sa BJMP pagkatapos ng kaniyang graduation noong 1996 dahil mayroon kasing opsyon ang mga PNPA graduates na pumili sa PNP, BJMP, at BFP kung saan nila nais mag seserbisyo.
Kaya tahasang ideneklara ng PNP na hindi ito matitinag sa paghuli sa sinumang indibidwal na lumabag sa batas anuman ang ranggo, taas, at source of commissionship ng mga ito.
Ayon pa kay Maranan, nagpapatuloy ang pagsusumikap ng mga tracker team ng CIDG upang tugisin sina Bantag at deputy nito na si Ricardo Zulueta alinsunod na rin sa utos ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. sa tulong na rin ng National Bureau of Investigation kasama ang iba pang mga law enforcement sa bansa.














