NANINIWALA umano ang mga Obispo ng Simbahang Katolika na napapanahon na upang harapin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pananagutan kaugnay sa marahas na implementasyon ng ‘war on drugs’ noong siya ay nanunungkulan.
Ang reaksiyon ng mga obispo ay kaugnay ng pag-aresto kay Duterte, batay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya dahil sa kasong ‘crimes against humanity.’
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, na siya ring pangulo ng Caritas Philippines, ang tunay na katarungan ay walang kinikilingan sapagkat walang sinuman ang mas nakahihigit sa batas.
Ipinaliwanag pa ng obispo, na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang katarungang panlipunan ay nangangahulugan ng pagbibigay ng proteksyon sa karapatan ng bawat mamamayan at pagpapanagot sa sinumang magsantabi sa karapatang pantaong tinataglay ng bawat isa.
“For years, former President Duterte has claimed that he is ready to face the consequences of his actions. Now is the time for him to prove it… True justice is not about political allegiance or personal loyalty—it is about accountability, transparency, and the protection of human dignity. We urge Duterte to uphold his own words and submit himself to the legal process,” pahayag pa ni Bagaforo.
Sinabi naman ni Caritas Philippines Vice President at San Carlos Bishop Gerardo Alminasa na marapat lamang na managot ang lahat ng mga may kaugnayan at sangkot sa marahas na implementasyon ng War on Drugs ng administrasyong Duterte upang mabigyan ng katahimikan at katarungan ang bawat biktima at kanilang mga naiwang mahal sa buhay.
Mahalaga umanong magkaisa ang lahat upang matiyak na hindi na mauulit pa ang paglaganap ng karahasan at pagsasantabi sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
Nagpapasalamat ang mga Obispo sa mapayapang pag-aresto kay Duterte kahapon.
Anila, masisimulan na ang imbestigasyon na dapat ay matagal nang maidaos upang malaman ang katotohanan hinggil sa mga ipinag-utos na ipatupad ng dating pangulo.
Dagdag pa nila na napananahon na rin ang pag-aresto ng ICC kay Duterte dahil matagal nang naantala o halos walang paggalaw ang mga imbestigasyon hinggil sa madugong ‘war on drugs’ at paglabag sa karapatang pantao ng dating admnistrasyon.#