SIMULA na ngayong Miyerkules, Mayo 7, ang paghahalal ng bagong Santo Papa upang pumailt sa puwesto ng yumaong si Pope Francis.
Ayon sa Simbahang Katolika, nasa 133 cardinal electors ang inaasahang magtitipun-tipon sa Sistine Chapel para sa isang papal conclave na magluluklok sa ika-267th Santo Papa.
Ang conclave ay sisimulan sa pamamagitan ng isang banal na misa sa St. Peter’s Basilica, ganap na alas-10 ng umaga sa Vatican o alas-4 ng hapon sa Pilipinas at pagsapit naman ng alas-3:45 ng hapon sa Vatican o alas-9:45 ng gabi sa Pilipinas, ang mga cardinal electors ay papasok na sa conclave upang isagawa ang unang pagboto.
Napag-alaman na kung matapos ang tatlong araw at wala pa ring napipiling bagong Santo Papa ay pansamantalang ititigil ang proseso ng isang araw para sa panalangin, informal discussion at maikling spiritual exhortation mula sa mga senior cardinal deacon.
Ipababatid naman ng mga Cardinal na nakapili na sila ng bagong Santo Papa, sa pamamagitan ng pagpapalabas ng puting usok sa chimney ng Sistine Chapel, habang ang itim na usok na lalabas ay mangangahulugan naman na wala pang napipiling bagong Santo Papa.
Ang isang cardinal ay dapat na makakuha ng 89 na boto o 2/3 ng majority upang maihalal bilang bagong Santo Papa.














