PAGHAHANDA VS DENGUE, IPINANAWAGAN NG DOH

By: Philip Reyes

Nanawagan si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa sa mga nagpapatakbo ng paaralan na maghanda na ng mga pamamaraan upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng dengue.

Ito ay kasunod na rin ng nalalapit nang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral at pormal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.


Ang pahayag ay ginawa ni Herbosa nang makiisa oyp sa nationwide kickoff ng Brigada Eskwela 2025 sa Bacacay East Central School sa Bacacay, Albay nitong Lunes.

Ayon kay Herbosa, ang dengue ay isa sa mga problemang pangkalusugan sa bansa na nakakaapekto sa mga kabataan sa bansa.

Pinasalamatan rin niya ang mga guro dahil sa pagtulong sa DOH dahil karamihan sa mga problemang kinakaharap ng ahensiya ay may kinalaman sa kalusugan ng mga kabataan.


“So the rainy season is starting, and I do hope that schools are now clean and well-maintained so they won’t become breeding grounds for mosquitoes that carry dengue,” aniya.

Una nang nagbabala si Herbosa na posibleng magkaroon ng isang major dengue outbreak sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit sa unang bahagi pa lamang ng taon.


Ayon pa sa kanya, karaniwan nang nakakaranas ang bansa ng isang dengue outbreak tuwing ikatlo o ikalimang taon, kung saan ang huling outbreak ay naitala noong 2019.

Binuhay rin ng DOH ang “Dengue Fast Lanes” sa lahat ng DOH-run hospitals upang kaagad na matutukan ang mga pasyenteng nakikitaan ng sintomas ng naturang sakit.


Nagpahayag din ng pagkaalarma si Herbosa sa iba pang health issues na kinasasangkutan ng mga kabataan, kabilang na ang human immunodeficiency virus (HIV) at maging talamak na vaping.

Tags: Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa

You May Also Like