Latest News

PAGHAHAIN NG WARRANT VS QUIBOLOY, TULOY PA RIN

By: Victor Baldemor Ruiz

NILINAW ng Department of the Interior and Local Government na magpapatuloy ang paghahain nito ng warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at sa iba pang kapwa akusado nito.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, malinaw na hindi nabanggit sa naturang temporary protection order na inilabas ng Davao City RTC Branch 15 na ipinatitigil din ang law enforcement operation o pagsisilbi ng warrant laban kina Quiboloy et’al.

Paliwanag ng Kalihim, hindi nabanggit sa naturang temporary protection order ang pagbabawal sa paghahain ng arrest warrant sa puganteng pastor.


Malinaw umano na walang kautusan ang Davao RTC na lisanin ng PNP ang lugar.

Kaugnay nito , ginagarantiyahan ni Abalos na pananatilihin ng Philippine National Police ang pagrespeto sa karapatang pantao ng bawat miyembro ng KOJC at ang legal na proseso.

Sinabi pa ni Abalos na kanilang itataguyod ang kabanalan ng justice system at rule of law ng bansa.

Magugunitang naglabas ng kautusan ang Davao RTC sa PNP na alisin ang lahat ng uri ng barikada o mga barriers na sumasagka sa pagpasok ng mga miyembro ng KOJC na nagiging sanhi para pigilan ang karapatan ng mga miyembro ng KOJC, religious freedom at academic rights.


Agad na nilinaw ni Abalos na ang mga sinasabing barriers o blockades ng PNP sa compound at ang kanilang operasyon ay hindi banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga miyembro ng KOJC.

Una nang inihayag ng PNP na maghain sila ng ‘petition for clarificatory’ sa Davao City Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa inisyu na temporary protection order pabor sa Kingdom of Jesus Christ petitioners.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, gusto lamang malinawan ng PNP ang nilalaman at diwa ng naging desisyon ng korte nang sa ganon ay ‘guided’ ang kanilang mga kilos.

Sa kabila nito, sinabi ni Fajardo na masyado pang maaga para magdiwang ang mga miyembro ng KOJC.


Malinaw umano na nakasaad sa protection order na dapat tanggalin lang ng PNP ang mga harang at barikada sa KOJC compound pero walang sinasabing pinapahinto ang pagsisilbi ng warrant of arrest kay Apollo Quiboloy at apat pang kapwa akusado nito sa kasong child abuse at human trafficking.

Tags: Pastor Apollo Quiboloy

You May Also Like

Most Read