Sinasabing naging matiwasay at payapa ang paggunita ng All Saints Day at All Souls Day, ayon sa Philippine National Police.
Sa datos na ibinahagi ni PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo, walang naitala na krimen o karahasan ang pambansang kapulisan sa ginawang paggunita ng Undas ng sambayanang Filipino.
Unang inilagay ng PNP sa full alert status ang buong puwersa ng ng kapulisan simula Oktubre 29 kaugnay sa observance ng All Saints Day at All Souls day.
Wala rin umanong nakalap na anumang security threat ang PNP kaugnay sa pag-obserba ng araw ng mga patay.
Nabatid na sa dalawang araw na pagbabantay ng mga awtoridad ay may mga nakumpiska lamang na mga ipinagbabawal na kagamitan mula sa mga taong nagtutungo sa mga sementeryo para maglinis at bumisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Nauna nang nagpaalala ang PNP na ipinagbabawal ang pagdadala ng alak, gambling items, loudspeakers at matutulis na bagay sa mga sementeyo at pagsunod sa pinaiiral na heath protocols bunsod ng COVID-19. (VICTOR RUIZ BALDEMOR)