PAGGIBA SA PDP AT BINTANG SA MGA OPISYAL, DI MAKABUBUTI SA GOBYERNO

By: Jerry S. Tan

Tigilan na sana ang mga tangkang buwagin ang natitirang kaisa-isang tunay na oposisyon sa bansa.

Ito ang tahasang panawagan ni Partido Demokratiko Pilipino (PDP) deputy spokesman Atty. Ferdinand Topacio nang dumalo ito sa pulong-balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na ginanap sa Century Seafood Restaurant sa Malate, Maynila nitong Martes ng umaga.


Ipinunto ni Atty. Topacio na sa kasalukuyan, lahat ng dating oposisyon ay “co-opted” na o kaalyado na ng administrasyon, kaya’t kung tutuusin ay PDP na lang ang natitirang tunay na oposisyon.

Ayon sa kanya, kapag giniba ang PDP ay para na ring binigyan ng gobyerno ang mga grupong maka-kaliwa para mamayani.

Inihalimbawa niya na ang rally nitong September 21 kung saan ang naganap na rally sa Maynila ay malinaw na napasukan umano ng mga grupong kilala sa pagiging kaalyado ng ‘kaliwa’ na nalilinya sa hanay ng komunista.


Me ‘pul-politikong’ pilit na nagdawit sa mga opisyal ng PDP na sina Topacio at maging PDP National Capital Region President at dating Manila City Administrator Bernie Ang bilang nagpondo daw sa mga nanggulo sa naturang rally.

Hindi na daw magugulat si Atty. Topacio kung labasan sila ng warrant o pag-imbentuhan ng ebidensiya para lang mapanindigan ang bintang.




Sa ganang akin, magandang sundin ang panawagan ni Atty. Topacio sa mga awtoridad na seryosong imbestigahan ang anggulo ng kung sino ang mga nagbayad ng piyansa at nagsisisigaw na palayain ang mga lumikha ng gulo, dahil dito pa lang ay klaro na kung sino talaga ang nasa likod ng mga nag-riot.

Naroon pala mismo siya sa naturang rally sa Maynila at ipinaalam mismo niya kay NCRPO Chief Gen. Anthony Aberin ang isang grupo ng kalalakihan na pawang nakaitim na damit, nakasuot ng facemasks, armado ng baseball bat at may dalang knapsacks. Nangamba si Topacio dahil bumubuntot daw ang mga ito sa kanilang grupo na binubuo naman ng mga mag-aaral at mga empleyado at kinailangan pa silang tumigil para lang palagpasin ang mga kahina-hinalang grupong ‘yan.


Katawa-tawa din daw at sadyang imposible ang ginawang pagsasangkot sa kanyang kapwa PDP official na si Bernie Ang, na nagsilbi nang higit tatlong dekada bilang bahagi ng local government, 21 taon bilang konsehal at sumunod ay bilang secretary to the mayor at administrator sa panahon ni Isko Moreno at Honey Lacuna.

Gaya ni Atty. Topacio, kilala ko din si City Ad Ang at alam ng lahat na ito ay isang ‘non-violent person’ o walang bahid ng pagiging bayolente, para pagbintangan na nagbayad ng mga manggugulo.

“Ano naman ang mapapala niya? Na-achieve niya na lahat. He is a successful businessman and is the longest-serving Councilor who served Manila in different capacities where he established a good name based on service record. Bakit niya dudungisan ang pangalan niya para lang sa isang gulo na wala namang patutunguhan?, ani Atty. Topacio.


Oo nga naman. Sa tagal ng panunungkulan ni Administrator Ang sa Maynila ay hindi nito gagawin ang ganoon sa lungsod na kanyang minahal at nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makapagsilbi sa tao.

Tahasan ang naging pahayag ni Atty. Topacio na batay na din daw sa sinabi ng mga opisyal ng kapulisan ay mga personalidad na kilala sa pagiging maka-kaliwa ang mas dapat imbestigahan, lalo na kung sino ang nagtanggol, dumalaw sa kulungan at nagpiyansa sa mga ito. Pinangalanan niya sina Grace Elago ng Gabriela, mga kinatawan ng Kabataan, Akbayan at iba pang maka-kaliwang organisasyon.

Natatawa din si Atty. Topacio na kasama nila ni Administrator Ang na idinawit sina Vic Rodriguez at ex-Congressman Harry Angping na ni hindi naman kasapi ng PDP. Bagama’t pareho silang abogado ni Rodriguez ay hindi daw sila nag-uusap tapos habang parehong Filipino-Chinese sina Angping at Ang, hindi naman din sila nag-uusap mula pa noon hanggang ngayon.

Nagbabala si Atty. Topacio na kung magtagumpay ang gobyerno sa pagbuwag ng natatanging oposisyon na PDP, mananaig ang mga maka-kaliwa na mas delikado para sa bansa.

Kumpara kasi sa ‘kaliwa’ na aniya ay naniniwala sa mga pamamaraang labas sa Konstitusyon, ang PDP bilang lehitimong oposisyon ay naniniwala sa mapayapa at regular na proseso na nakapaloob sa Konstitusyon.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: Atty. Ferdinand Topacio

You May Also Like