Tuwang-tuwa si Mayor Francis Zamora ng San Juan City nang magtayo ng kauna-unahang branch ng Chuan Kee Restaurant sa Blumentritt Street sa San Juan ang founder nitong si Gerie Chua.
Una, natutuwa daw siya sa tiwalang ibinigay ng pamilya Chua sa administrasyon niya dahil sa pagtatayo nila ng negosyo sa San Juan. At hindi lang ito basta negosyo, dahil ang Chuan Kee ay 84-anyos na. Ito ang pinakamatandang restaurant o food chain sa Manila Chinatown, na siya namang pinakamantang Chinatown sa buong mundo at gaya ng sinabi ko, unang branch ang itinayo sa San Juan.
Pangalawa, magandang regalo umano sa mga taga-San Juan ang pagtatayo ng Chuan Kee sa kanilang lungsod dahil hindi na nila kailangang dumayo pa ng Maynila para lamang makatikim ng mga tradisyunal na Chinese dishes.
Pati mga sikat na Chinese products na dinarayo sa Ongpin ay mabibili na din sa San Juan dahil bukod sa restaurant ay nagtayo din ng maliit na tindahan ng Chinese products sa nasabing kainan, kung saan maaring bumili ng mga tikoy, hopia, machang at iba pa.
Sa Chuan Kee sa San Juan, hindi lang mga sikat na pagkain ng branch nito sa Ongpin ang matitikman dahil hinaluan na din nila ng mga pagkaing dinarayo naman sa The Great Buddha na sikat naman sa tendon rice at iba pang Chinese dishes.
Hindi lang mga taga-San Juan City ang makikinabang at di na kailangang magpunta ng Maynila kundi maging ang mga residente ng karatig-lungsod.
Mismong nina San Juan Mayor Francis Zamora at Gerie Chua, may-ari ng nasabing fastfood chain, ang nagribbon-cutting sa pormal na pagbubukas ng naturang kainan at ayon kay Zamora, susuportahan din niya ang restaurant sa pamamagitan ng pagtangkilik dito.
“Kami po dito sa San Juan ay sobrang natutuwa dahil dito sa aming lugar napili ni Gerie unang maglagay ng branch ng isang restaurant na makasaysayang, maalamat o legendary dahil ito ang oldest existing restaurant sa buong Binondo Chinatown,” saad ni Zamora.
Totoo naman ang kanyang sinabi. Alamat naman nang talaga ang Chuan Kee at Eng Bee Tin dahil sa tagal nito sa industriya at mga kakaibang pagkaing paninda na dinarayo ng mga banyaga at lokal na turista.
Nakakatuwa din naman si Zamora dahil sa aming nakitang kababang-loob nito sa pakikisalamuha sa mga customer at empleyado ng Chuan Kee, na pawang pinagbigyan niyang magpakuha ng litrato kasama siya.
Gaya niya, very humble din ang may-ari na si Gerie Chua na dekada na naming kaibigan na ang susi sa tagumpay ay kabutihang-loob at paniniwala na ang paggawa ng mabuti ay magdadala ng mabuting kapalaran.
Bukambibig nito ang ‘do good deeds’ at sa katunayan, ang kinikita ng kanyang restaurant na Mezzanine Cafe sa itaas ng Chuan Kee sa Binondo ay ginagamit pantulong sa mga bumberong nasusugatan o nasasawi sa pagresponde sa sunog.
Wala naman kasing suweldo ang mga volunteer firefighters at hindi naman lahat sa kanila ay may kaya sa buhay. Si Gerie nga pala ang founder ng TXTFire Philippines, ang pinakamalaking samahan ng mga volunteer firefighters na tumutulong nang walang bayad tuwing may sunog.
Kay Gerie at sa pamilya nito, congratulations at sana ay patuloy kayong pagpalain para mas marami pa kayong matulungan!
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














