Inihayag ng Department of Health (DOH) na bahagya pang maaantala ang pagdating sa bansa ng bivalent COVID-19 vaccines. Ang bivalent vaccines ay mga second-generation vaccines na ang target ay ang Omicron variant.
Ayon sa DOH, magkakaroon ng ‘slight delay’ o bahagyang pagkaantala sa pagdating ng mga bivalent vaccines bunsod na rin ng mga permits na kinakailangan pang ayusin.
Tiniyak naman ng DOH na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matanggap ang mga naturang bakuna bago matapos ang taong ito.
Mag-iisyu na lamang umano sila ng karagdagang updates hinggil sa pagdating ng mga bakuna.
Nauna rito, sinabi ni DOH Officer-In-Charge (OIC) Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa nakaraang briefing na inaasahan nilang darating na sa bansa ang mga bivalent COVID-19 vaccines ngayong linggong ito.
“As per the DOH- Bureau of International Health Cooperation (BIHC), there shall be a slight delay in the arrival of the bivalent vaccines as there are permits that are still needed to be coordinated. Rest assured that the Department of Health is exhausting all efforts to receive the vaccines by the end of the month,” anang DOH, sa isang pahayag.
“Further, the Department shall provide updates on the arrival of the vaccines,” dagdag pa nito.
Samantala, pagdating naman sa paghahanda at implementasyon ng roll-out ng bivalent vaccine, sinabi ng DOH na ang department memorandum hinggil dito ay nalagdaan na at naghihintay na lamang na mai-release.














