PAGDAKIP NG MILITAR SA 3 NDF CONSULTANTS, SINADYA NG GRP PARA MANGGIPIT-NDFP

By: Victor Baldemor Ruiz

TAHASANG inakusahan ng National Democratic Front of the Philippines na isang mapaniil na hakbang ang ginawang pagdakip ng militar sa 3 NDFP consultants at isa umano itong sinadyang hakbang ng GRP upang lumikha ng mga kondisyon upang gipitin ang makakaliwang hanay sa isinusulong na usapang pangkapayapaan.

Mariing kinondena ng NDFP Negotiating Panel ang ilegal na pag-aresto sa mga NDFP consultants na sina Simeon Naogsan, Porferio Tuna at Wigberto Villarico.


Ang arbitraryong pagkulong ng mga consultant na ito ay isa umanong hayagang paglabag ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), na nilagdaan upang magbigay ng mga kondisyong nagpapahintulot sa parehong partido na makipagnegosasyon nang walang banta ng pag-aresto, pagpatay o panggigipit.

Mariing tinatanggihan ng NDFP Negotiating Panel ang mga pahayag ni NSC Spokesperson Jonathan Malaya na wala nang bisa ang JASIG.

Paliwanag ng political arm ng CPP-NPA , ang bisa ng mga kasunduang ito ay hindi maaaring basta-basta na lamang bawiin sa pamamagitan sa isang press conference o pahayag sa media.


Ang mga kasunduang ito ay produkto ng pormal na negosasyon at mutual na pangako, na naka-ugat sa parehong pambansa at pandaigdigang legal na prinsipyo at hindi maaaring ipawalang-bisa nang unilateral o basta-basta na lamang.

Ang pagwawakas ng isang kasunduang tulad ng JASIG ay nangangailangan ng pormal na mga pamamaraan, ayon sa nakasaad sa dokumentong nilagdaan ng parehong partido noong 1995, ayon sa inilabas na statement ni Julie De Lima, Chairperson NDFP Negotiating Panel matapos na madakip sina Simeon Naogsan, Porferio Tuna at Wigberto Villarico.


Pinabulaanan din ng NDFP Negotiating Panel ang pahayag ni Malaya na si Villarico ay hindi isang NDFP consultant.

Sa katunayan, si Wigberto Villarico ay isang NDFP consultant na regular na kinakatawan ang NDFP Negotiating Panel bilang isang pangunahing kinatawan mula sa rehiyon ng Southern Tagalog.


Ang kanyang papel ay mahalaga sa pagprisinta ng mga alalahanin ng mga magsasaka at manggagawa sa rehiyon at sa pagsusulong ng mga substantibong item sa negosasyon kabilang ang proseso ng pagbabalangkas ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), ani De Lima.

Magugunitang inihayag ni Malaya na lubha umanong katawa-tawa ang naging pahayagan ng CPP-NPA matapos na mabitag ang pinaka­mataas na pinuno ng CPP-NPA sa Southern Tagalog Region, na hindi umano dapat dakpin si Baylon Villarico dahil isa itong peace consultant, ayon sa National Security Council.

Ayon kay Malaya, “We find as funny and preposterous the claim of the CPP-NPA-NDF that CPP Chairman Baylon Villarico is a “peace consultant” and is therefore immune from arrest under the Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG) signed way back during the Fidel Ramos administration.”



Ani Malaya, kinansela na ng pamahalaan ang JASIG noon pang 2017: “So what immunity under the JASIG are they talking about? The Joint Oslo Communique of 2023 signed under the Marcos, Jr. administration with the NDF did not resurrect the JASIG. The JASIG is as good as dead.”

Tags: National Democratic Front of the Philippines

You May Also Like

Most Read