NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation(PAGCOR) sa mga ‘law enforcement agency’ sa bansa upang matukoy at masawata ang mga iligal na online gambling na sinasabing sanhi ng mga insidente ng kidnapping ng mga dayuhan.
Sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na mahigpit na ang kanilang koordinasyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice(DOJ), Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation(NBI) upang matukoy ang mga illegal online gambling na ito at masawata na ang mga nagaganap na kidnapping.
Sa kasalukuyan, mayroon lamang 34 na aprubadong POGO operators sa bansa, 127 accredited na mga service providers at limang ‘special class’ na BPOs (business process outsourcing).
“Personnel of Customer Relations Service Providers, Gaming Software Platform Providers and Live Studio and Streaming Providers were required to secure offshore gaming employment licenses and are now ordered to obtain police clearances,” ayon kay Tengco.
Iginiit rin ng PAGCOR na hindi dapat tawagin ng ninuman na POGO ang anumang online gambling na iligal na nag-ooperate sa bansa na umano’y maling termino na ginagamit. Makaraan ang pagkakadakip sa mga Chinese at iba pang foreign nationals sa iligal na online gambling, wala umanong relasyon ang kanilang operasyon sa mga lehitimong POGO na nasa bansa.
“The agency emphasizes that any individual, group or entity which conducts online gambling without approval to operate from PAGCOR should not be categorized as POGO,” giit ni Tengco.
Mahigpit umano ang kanilang pagbabantay sa operasyon ng mga POGO at anumang ‘gaming entity’ na bigo na makapasa sa application process para sa ‘offshore gaming license’ ay hindi nila tinatawag na legal na POGO. (Carl Angelo)