PARA kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, panahon na para buwagin ang lahat ng ‘private armed groups’ at papanagutin ang mga ito sa kanilang mga nilabag na kasalanan, maging ang kanilang mga benefactors .
Ito ang inihayag ng kalihim kasunod ng pagpapahayag ng kanyang buong suporta sa National Task Force for the Disbandment of Private Armed Groups (NTF-DPAG), ayon kay DND Public Affairs Service Director USEC Arsenio Andolong.
Ayon kay Andolong, mahigpit na pinatututukan ngayon ni Sec. Teodoro ang tuluyang pagbuwag ng mga pribadong armadong grupo sa buong Pilipinas.
Ibinaba ng kalihim ang kanyang kautusan kasabay ng pangakong pagsuporta sa National Task Force for the Disbandment of Private Armed Groups at sa mga ahensya na nakapaloob dito sa isinagawang 13th Oversight Committee Meeting sa Western Mindanao Command sa Camp Navarro.
Ayon sa kalihim, kailangang matutukan ang mga armadong grupo sa bansa na bahagi ng pangunahing rason ng mga kaguluhan sa bansa.
Maliban sa mga pribadong armadong grupo, pinapatutukan din ng kalihim ang mga grupong ilegal na gumagawa ng mga baril sa bansa.
Nakahanda rin ang DND na ibigay ang suporta sa kampanya ng National Task Force para sa pagbuwag sa mga naturang grupo, anang kalihim na tumatayo ding Vice chairperson ng nasabing task Force.
Patuloy ding hinihikayat ng kalihim ang publiko na i-report sa mga otoridad ang mga nakikita o namo-monitor na grupo, upang magawan ng kaukulang aksyon.
“The DND would also like to converge with each and every one of you, not only to go after armed groups, but the manufacture of illegal firearms as well, because we have to hit the demand source and the supply source,” dagdag pa ni Teodoro.
Pinasalamatan din ni Teodoro ang presensya ni Special Assistant to the President, Secretary Antonio Ernesto F. Lagdameo, Jr. na pagpapakita lamang umano na nasasabik na ang Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na makita ang mga nagawa na ng Task Force.