Ipinagtanggol ni Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) President Dr. Cecilio Pedro si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. laban sa akusasyon ng ‘globe- trotting’ mula sa mga kritiko nito.
Sa kanyang pagdalo bilang panauhin sa “Balitaan sa Harbor View” forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi ng pangulo ng pinakamalaking organisasyon ng Filipino-Chinese businessman sa bansa, na maganda ang ginagawang pagbisita ni Pangulong Marcos sa iba’t-ibang bansa ay malaki ang magagawa upang mapaunlad ang turismo at ekonomiya, sa pamamagitan ng paghikayat sa mga mamumuhunan na dalhin ang kanilang mga negosyo sa Pilipinas.
Ayon kay Pedro, ang biyahe ng pangulo ay sadyang mabuti para sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa taliwas sa sinasabi ng kanyang mga kritiko.
“I see the intention to generate investments. Pero kung kalaban, iba ang tingin. Sa akin, nakikita ko ‘yung advantage. How many Presidents are traveling like him? Everywhere he goes, he brings in investments,” ani Pedro..
Ayon kay Pedro, nakasama siya sa dalawa sa mga nakaraang biyahe ni Pangulong Marcos sa ibang bansa at aniya, nakakapag-uwi ng magagandang investment packages ang Pangulo sa tuwing ito ay aalis ng bansa at kung maraming negosyo sa bansa, ito ay magdadala ng maraming hanapbuhay para sa mga Pilipino, mas magandang turismo at mas magandang ekonomiya na magbubunga naman ng isang maunlad na bansa.
“I have been with the President in his two trips abroad China and Malaysia. The President is working hard to promote the Philippines and he is inviting investors to come in. He is is travelling all over to entice investment. ‘Yan ang legacy na gusto nya ma-establish over his term- to bring in more people to help this country move forward and I give it to him ,” saad pa ni Pedro.
Samantala, nagpahayag ng paniniwala si Pedro na ang usapin sa West Philippine Sea (WPS) ay maliit na bahagi lamang sa kabuuang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China at di dapat makaapekto sa mahabang samahan ng dalawang bansa.
Aniya, kung eksklusibong mag-uusap lamang ang lider ng dalawang bansa, ang usapin ay maaring mabigyan ng kalutasan.
Inihalintulad ni Pedro ang relasyon ng Pilipinas at China sa isang mag-asawa na kung saan ang anumang problema na kanilang pinagdaraanan ay maari lamang maayos kung silang dalawa mismo ang mag-uusap sa halip na isali pa ang tatay, nanay o mga kapatid.
Ani Pedro, hindi solusyon ang pagsasali ng ibang partido at ang business sector ay umaasa at tiwala umano na ang usapin sa WPS ay mareresolba sa pamamagitan ng diplomatikong paghaharap ng lider ng Pilipinas at China mismo.
“Dapat, tayo-tayo lang. Habang may buhay, may pag-asa. There is light at the end of the tunnel,” saad pa ni Pedro, kasabay ng pahayag na ang gusto ng mga mamumuhunan sa bansa ay ‘long-term stability’ at hindi away.