Latest News

PAGBISITA NG PNP SA MGA PRIVATE RESIDENCE NG MGA MEDIA PERSONALITIES TINULIGSA

TINULIGSA ng National Union of Journalist of the Philippines ang ginagawang “unannounced visit” ng mga pulis sa bahay ng mga media personalities o mga mamamahayag.

Ito ay kasunod ng sumbong na pagbisita umano ng isang hindi naka-unipormeng pulis sa private residence ng isang reporter ng GMA News nitong Sabado upang mangamusta kung nakatatanggap ito ng mga pagbabanta.

Sa inilabas na statement ng NUJP, nagpahayag ng pagkabahala ang grupo sa pagbisita ng mga pulis sa bahay ng mga mamamahayag nang wala munang pasabi.


Ayon sa grupo, masasabing maganda ang hangarin, subalit mas mainam umano kung gawin na lamang ang pakikipag-usap sa newsroom o sa mga press corps, press club at mga organisasyon ng mga journalist sa NCR.

“While the National Capitol Region Police Office’s statement that they would reach out to journalists in the wake of the murder of Percy Lapid is welcome and encouraging, the National Union of Jounalists of the Philippines is concerned at reports of police officers visiting colleagues in their homes and without proper coordination,” pahayag ng NUJP.


“Assuming good faith, these meetings and dialogues are best done through newsrooms or through the various press corps, press clubs, and journalists’s organizations in the capital.”

Kaugnay nito ay humingi ng paumanhin si PNP- National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police General Jonnel C. Estomo matapos na nagdulot ng pangamba at pagka–alarma ang pagbisita ng isang pulis sa bahay ng isang journalist.


Sa pahayag ng media personalities mula sa GMA News, Sabado nang magtungo sa kanyang private residence ang isang nagpakilalang pulis na inutusan umano upang mangamusta at alamin kung nakatatanggap siya ng mga pagbabanta.

Bagama’t nagpakilala nang maayos at nagpakita ng I.D., hindi aniya naka-uniporme ang pulis, ayon kay JP Soriano ng GMA News.

Paliwanag ni NCRPO chief Brigadier General Jonnel Estomo, pakay ng pagbisita na kumuha ng impormasyon kung nakatatanggap ng mga pagbabanta ang mga miyembro ng media kasunod ng nangyaring pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Paraan aniya ito ng pulisya upang makapagbigay ng security assistance sa mga mamamahayag at kanilang pamilya kung kakailanganin.

Subalit hindi malinaw kung paano na-trace at nakuha ng mga pulis ang pribadong address ng nasabing media personality.

Gayunman, nag-sorry ang NCRPO dahil sa alarmang idinulot nito at inutusan ang iba pang mga pulis na itigil ang ginawang pagbisita.

Una nang nagpahayag ng kahandaan si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr., na makipag-dayalogo sa mga kagawad ng media kasunod na rin nang nangyaring pananambang sa radio commentator ng DWBL na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Ayon kay Azurin, nais nilang malaman kung sino-sino sa mga miyembro ng media ang may threat o banta sa buhay.

Sa pamamagitan aniya nito ay makapagbibigay sila ng seguridad at agad na imbestigahan sinuman ang kanilang nabangga dahil sa pagganap ng kanilang trabaho.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa Lapid case kung saan tuloy rin ang pagkalap nila ng mga karagdagang ebidensya at impormasyon. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: National Union of Journalist of the Philippines

You May Also Like

Most Read