Pagbili ng gamit sa BSKE elections, uumpisahan na

ITUTULOY ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbili na ng mga gamit at paraphernalia na gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Disyembre, sa kabila ng panawagan ng ibang sektor na suspindihin ito muli.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kailangang nakahanda sila sa mga paparating na eleksyon kahit may posibilidad na maaaring hindi ito matuloy.


Bukod sa mga kagamitan sa halalan, nag-umpisa na rin ang komisyon sa ibang mga paghahanda tulad ng briefings at pagsasanay sa kanilang mga opisyal ukol dito.

May nakalaan na P8.4 bilyong budget ang darating na halalan na umano’y buo pa naman sa ngayon maliban sa ilang maliliit na bagay na kanilang binili. Gagastusin umano nila ng maayos ang pondong ito para maiwasan ang pagsasayang.

Sa naturang halaga, nasa P5 milyon na ang nagastos sa voter registration at pagbabayad sa mga manggagawa na tumulong sa preparasyon sa BSKE.


“‘Wag po kayong mag-alala, hanggang sa kasalukuyan, ‘yung P8.4 billion na nakalaan for barangay and SK elections intact. May nabawasan man, kapirasong kapiraso lang po dahil of course we are trying that particular budget, that money wisely dahil baka nga po hindi naman matuloy,” ayon kay Garcia.

Ang mga materyales naman tulad ng mga ballpen at mga papel ay muli pa namang magagamit sa susunod na halalan sa kabila ng pagpasa ng batas ukol sa suspensyon ng BSKE ang Kongreso at kung maaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Idinagdag pa ni Garcia na hindi maaapektuhan ng naganap na sunog sa ikapitong palapag ng Palacio del Gobernador ang BSKE. Ito ay sa kadahilanan na magiging manual naman ang pagsasagawa ng BSKE. (Anthony Quindoy)


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like