Pagbebenta ng alak sa Pasay, limitado pa rin sa Alert Level 2

IPAGPAPATULOY ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa ilalim ng Alert Level 2 ang mahigpit na implementasyon ng ordinansa sa pagbebenta ng alak at kahalintulad na inuming nakalalasing sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga lisensiyadong dealer ng mga alak ay pinapayagan lamang ng lungsod na magbenta ng kanilang produkto na nakapaloob sa window hour na alas 8 ng umaga hanggang alas 8 lamang ng gabi.

Bukod sa window hour ay tanging mga residente lamang ng lungsod ang maaaring bumili ng alak sa mga nabanggit na oras kung saan hahanapan ang mga bumibili nito ng katibayan na sila ay residente ng lungsod.


Ang pag-inom ng alak sa pampublikong lugar o sa mga bangketa ay mahigpit na ipinagbabawal at pinapayagan lamang ang pag-inom nito sa loob ng kani-kanilang bahay.

Pinayuhan din ni Calixto-Rubiano ang mga residente ng lungsod na huwag nang mag-imbita ng mga kaibigan at kamag-anak sa kanilang bahay para lamang uminom ng alak upang maiwasan ang posibilidad ng hawahan ng coronavirus disease o COVID-19.

Kasabay nito ay ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang implementasyon ng market day scheme sa lahat ng 201 barangay sa lungsod para maiwasan ang pagkumpulan ng tao sa loob ng palengke.

Sinabi din ni Calixto-Rubiano sa mga residente na sundin na lamang ang nakatakdang iskedyul ng kanilang barangay sa pagpunta sa palengke ng lungsod.


Muling pinaalalahanan ni Calixto-Rubiano ang kanyang mga konstituwente na sundin ang ipinatutupad na minimum health standard tulad ng mandatoryong pagsusuot ng face mask, temperature check, pag-obserba ng physical distancing at ang pag-iwas sa mass gathering sa kani-kanilang mga tahanan.

Tags: Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano

You May Also Like

Most Read